CR

Labingwalong tahanan sa Cebu City ay walang toilet. Sa Northern Mindanao, isa sa limang tahanan ay wala pa ring toilet. Sa isang komunidad sa loob ng UP, ang RIPADA, mayroon lamang shared toilet at shower area para sa isang seksyon. May bayad kada gamit nito. Parang toilet sa Baguio City. Na hindi mo naman ikakagulat na malinis naman talaga, may bulaklak at sofa set pa nga ang iba, dahil sa kontribusyon ng mga gumagamit nito.

Pati ang ilang CR sa terminal ng bus, me bayad na rin. Mas boluntaryo, hindi tulad sa Baguio at Norte, na talagang sisingilin ka kundi man tatanggihan ka kung walang pambayad. Pati sa Shopping Center sa UP ay ipinauso na rin ang pagbabayad kada gamit ng toilet. Hindi gaanong matagumpay dahil nga tingin ng mga tao ay bahagi ito dapat ng serbisyo kapalit ng pagtangkilik sa establisyimento.

Sa mall, may pay toilet na P10 kada gamit. Kahit high-end, tulad sa Greenbelt o low-end, tulad sa Farmer’s. May likidong sabon, may bantay, may toilet paper. Ibig sabihin, hindi basic amenities ang mga ito. Binabayaran dahil ang tinataguriang basic ay limitado lamang sa malinis-linis na toilet at urinal. Kaya sa kaharian ng mall, ang lahat ay binabayaran: wala nang libreng tubig, lahat ay nasa binibiling botelya sa food court; ang pagparada ay de-oras ang bayad kapag Sabado’t Linggo, halimbawa.

Kahit pay toilet ito, marami pa rin ang hindi gagamit nito, hindi lang dahil mahal, kundi dahil walang ipinapahiram na tabo. Bahagi ng toilet semi-fixture ang tabo. Nang mag-immigrate sa US ang aking mga pamangkin, nagbaon sila ng tabo, at hanggang ngayon ay ginagamit ito. Isang profesora sa Math ang nagbabaon ng tabo sa foreign travel niya. Minsanan na rin nanghingi ng pasalubong na tabo nang mabalitaang tutungo ako sa US.

Mas malinis daw kapag gamit ang tabo. Hindi kayang tumbasan ng toilet paper. Kaya maraming CR pa rin ang hindi gumagamit ng toilet paper. Pag may okasyon lamang. At matapos, babalik muli sa tabo. Ano ba ang sa tabo na hindi kayang mapalitan? Ano ba ang intimacy na dulot ng araw-araw na pagsalat sa sariling butas sa pwet?

Ikakabaliw na naman ito ng kanluraning psychiatrist! Ang anal phase ay may kasiyahang dulot ang anal orifice at pagdumi. Ang sabi ay may dalawang impulse ito: mastery, dahil kailangan ng corporeal control, may tamang oras sa tamang lugar na gawain ito, at may relief dulot ng pagbabawas; at scopophilia, o ang pagtingin sa pagdumi, dumi at dumudumi.

Ang paliwanag pa ni Freud, ang kasiyahan ng bata ay sa paglikha ng bagay na sariling kanya. At sinasabi pa, na ang kasiyahang ito ay naililipat ng babae sa kanyang panganganak. Ang ibig bang sabihin nito ay babae lamang ang dumaranas ng kasiyahan mula sa anal phase? Kaya ba duming-dumi at bahong-baho ang lalake kapag nagpapalit siya ng lampin?

Na ang anal phase ay kaugnay sa domestikong gawain ay nagpapahiwatig ito ng kaibahan sa kasarian. Pambabae ang paglilinis ng toilet. Sa pelikulang Milan, ang first-time na paglilinis ng lalakeng OCW (Piolo Pascual) sa toilet ng kanyang Italianong amo ay halos maiyak-iyak ito sa awa sa sarili. Hindi niya ginagawa ito sa sariling bahay sa Manila.

Hindi niya ginagawa dahil may nanay o kapatid na babae siyang gumagawa nito para sa kanya. At mababa ang tingin sa gawaing ito dahil mababa ang turing sa toilet, at sa paglilinis ng mababang turing na espasyong ito. Kaya ang kasiyahan sa kontrol ng lalake ay sa kapangyarihang hindi ito maglinis ng toilet, na ang kanyang kasamahang babae ang gagawa nito para sa kanya.

Kaya rin, maiisip na lalake ang nagdisenyo ng toilet na fasilidad. Paratihan namang pantay ang laki ng espasyo ng toilet na pambabae at panglalake sa komersyal na lugar, tulad ng mall. Pero paratihan, mas mahaba ang pila sa toilet sa babae kaysa sa lalake. Walang urinal ang babae na pwede lamang siyang tumayo. Bahagi ng sosyalisasyon sa kanya ay maging lady-like sa ungracious na sitwasyon ng pagbabawas ng likido sa katawan: maingat na nakaupo.

Share This Post