Ako Mismo o Kolektibismo?

Tulad ng Kristianismo, na di tulad sa zen Buddhismo, ang patron ay ipinapalaganap sa pamamagitan ng spectacle: higanteng crucifix, mga estatwa kundi man higanteng simbahan, ritualisasyon ng paniniwala at debosyon, prusisyon, at pambansang pagdiriwang sa tampok na relihiyosong pangyayari, at iba pa. Pero di kakatwa sa zen Buddhismo, na tulad sa Kristianismo, sa antas ng individualidad ipinapatagos ang mantra ng pagbabago.

Sa politika, dinudumog ang politiko na parang patrong tutubos at sasagip sa masa sa kanilang individual na predikamento. Kapag nagsalita ang politiko—dahil may kaakibat na anting-anting ang kanyang pananalita sa panlipunang kapangyarihang pinanggagalingan—natatalinhaga ang nakikinig, tulad ng mga relihiyosong debotong kinakapitan ang bawat pananalita ng kanilang pari at ministro: para tanggapin ang aral sa kasalukuyan bilang susi sa kanilang hinaharap.

Edukasyon-bilang-suri-sa pag-unlad, lipunang makatao, pamahalaang-may-puso, tagapagligtas-sa-disaster—na hindi hiwalay sa mga santo’t santa sa kanilang asignatura sa kalangitan: patron ng nawalan, patron ng kawalan-pag-asa, patron ng manggagawa, patron ng mga pet, patron ng mga marino, at iba pa. Sa pagsasalita sa politika, sila ang kumakatawan sa spectacle ng imahen, kahit pa purong imahen ito.

Walang substansya ang pananalita ng politiko maliban sa pagkakaroon ng bagong figura na magsisiwalat ng kahalintulad na retorika ng kolektibong hinanaing, at individualisadong pangangailangan at redempsyon. Ito ang euphoria ng utopia. Kahit distansyado ang utopia, ginagawa itong abot-tanaw, abot-kamay na oasis.

At hindi ito mahirap gawin para sa historikal na naisantabi—ito o rebolusyon, ang paminsanang malling at Jollibee (kahit pa pagpag na galing sa basurahan ng fastfood) na kahalintulad ang pwersa ng representatibong kandidato ng politikang naghahasik ng pangako ng magandang kinabukasan. Na tulad ng kanyang gitnang uring kamamamayan, bakit magrerebolusyon kung mayroon namang chicken joy at SM Mall, call center work at malamig na bucket beer na pwedeng isilbi ng ala-sais ng umaga?

Individual ang pagpili, at oberdeterminado ang pagpipilian at pagpili. Walang tinutukan ng baril, maliban sa mga aktibistang dinahas at politikal na pinapaslang. Dahil nga ang estado ng ordinaryong mamamayan ay ginagawang ligtas at paborable sa lohika ng pambansang pag-unlad ng estado.

Ang sarili na hinulma ng RSA at ISA, represibo at ideolohikal ang aparato ng estado na may papel sa pagsubtansya ng individual tungo sa sabjek ng estado. Sa pamamagitan ng patuloy na disiplina, surveillance, at pagparusa sa pang-araw-araw, kakatwang naiinternalisa ng individual ang kapangyarihang ito. Napapayag siyang madepolitisa sa pagdanas nito sa moda ng kaligayahan lamang, na kinalalahukan ng pagbura ng moda ng pasakit at pighati.

Individualisado ang pagtagos ng kapangyarihang estado, at kung gayon, individualisado ang pagpapasulpot ng ahensya ng kapangyarihan sa bawat mamamayan. Nagiging abstrakto at konkreto ang estado. Abstrakto na hindi maikawing ang kanyang pagpapasakit sa isang sistematikong layunin, lalo na ng estado; at konkreto na sa bawat pagdanas ng ligaya ay nagiging sa pamamagitan ng daluyan ng estado lamang (“brought to you by the Philippine state at imperialist globalization” kumbaga).

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. Ang galing ng pagkakalahad,at malaman ang mensaheng nais iparating sa mga mambabasa. Puno ng katotohanan at realidad ng buhay. Puna ko lang sa "grain of sand". Sabi ng Profesor kong si Prospero Covar, ang isang salita kapag hindi gamitin kahit ito ay naryan lamang ay mawawala, mapapalitan ng ibang salita laluna banyaga dahil ito ang mas ginagamit. Hindi ba puwedeng gamitin ang butil ng buhangin kaysa "grain of sand"?

Comments are closed.