Popular na Relihiyosidad

Ang mismong pagdanas ng televisual na paghihirap at katubusan ay nakaugnay din sa idea ng malling at gitnang uring aspirasyon. Dinadanas ng manonood ang paghihirap at katubusan sa pamamagitan ng posisyong visceral, o iba ang dumadanas nito para sa kanya. Tulad sa reality TV at gameshows, iba ang kakain ng uod at bulati, iba ang naglalahad ng kwento ng paghihirap. Hindi ang aktwal na manonood.

Sa malling naman, “iba” ang dumadanas ng gitnang uring panunutunan dahil ang sarili ay hindi naman talaga gitnang uri, umaasta lamang nang gayon. At ang gitnang uring aspirasyon ay ga@ ???????8@???adanas sa third person, sa ikatlong di-nakikitang figura, ang avatar ng sarili na hindi naman talaga gayon. Hindi rin ito ikalawang tao, ang kasama sa malling, na may aktwal na referensiya din sa sarili, at ginagamit din ang ikatlong persona.

At ito ang neoliberalismong bitag sa popular na relihiyosidad: na may akses at konek ka kay Bro at gitnang uring panuntunan (sa malls, unibersidad, o simbahan, halimbawa), kahit wala naman talaga. Hindi ba’t si Santino lamang ang nakakatunghay kay Bro? Hindi ba’t sa ating pagdarasal ay tayo lang naman ang kumakausap kay Lord, kahit pa sabay-sabay itong ginagawa ng bilyon-bilyong katao?

Parang panonood ng sine, ang dami nating magkakasama sa loob ng sinehan pero kapag tumawa ang iba, napapatawa na rin tayo; kapag tumawa tayo, tumatawa dahil mayroong balon ng individual na pukaw na distinkto sa iba pang kasabay na tumatawa. Kahit pa, tulad ni Santino, ang manonood ay kinakailangang may moral na panunumbas bilang righteous o matwid na nilalang.

Nagpapakita lamang si Bro sa pinakang bata—pinakainosente, pinakapursigido, pinakamabait–na bata. Nagpapakita lamang si Gitnang Uri sa pinakang nilalang. Pinananalig tayo sa neoliberalismo, na makakaasa ang sarili sa sariling transformasyon, sa pagtitiyak na ang individualismo ay nakaplakda sa trajektori ng pananampalataya sa Katolisismo, konsumerismo at kapitalismo: kaya mo dahil walang ibang makakaya nito para sa iyo kundi ikaw mismo.

Dahil nagkaganito, pribatisado ang pananampalataya at relihiyosidad, kahit pa popular ito. Nakatagos sa antas ng kanya-kanyang individualismo sa kumpas ng aparatong relihiyon, pati ng negosyo. At hindi kakatwa, sa nanatiling panahon ni Gloria Arroyo na patuloy na nagdudulot ng matinding anxiedad sa kasalukuyan, pati sa hinaharap, si Santino ang modelo ng ating pagkamamamayan: nananalig sa politika ng pag-asa na ang ito at ito, ang lahat ng ito, ay magbabago sa pamamagitan ng kanya-kanyang pagbabago.

Swak ang panahon ng eleksyon bilang pang-estadong ritual. Boboto ang bawat isa, mag-eehersisyo ng individualismong pagdedesisyon sa kabutihan ng bansa at ng hinaharap, at matapos, babalik na naman sa kumpiyansang baka nga mabago ito at ito, ang lahat ng ito. (Bulatlat.com)

Share This Post