Ni TERENCE KRISHNA V. LOPEZ
Bulatlat.com
ilang pagkakataon na ring
pilit Iwinawaksi ang musang
nag-uudyok
sa pagtula ng inyong kabanata
sapagkat,
walang salita,
walang kataga,
wala ni isang talinhaga
ang magsasalarawan ng
kirot
hapdi
hagupit sa dibdib
sa bawat sandaling
pag-alala
sa inyong:
mga kaibigan
mga magulang
mga anak
mga kapatid
na patuloy pinipiit
nilang mga unipormadong
salarin
ng kalayaan
sapagkat
paano maisasalarawan
paano mapapangalanan
ang bawat saglit
ng pait
ng inyong umaga,
ng inyong dapit-hapon
ng inyong madaling-araw
na katiting mang idlip,
sinisiil
sapagkat
paano maihahambing
sa bulong ng hangin
ang inyong
mga pagluha
mga pasakit
mga pagnanais
na mahagkan,
o mahawakan man lamang
ang inyong
mga anak,
asawa,
magulang,
kapatid o maging mga kaibigan
sa mga sandaling
dama ninyo ang sakit
subalit,
subalit maging gabi
ay nagmamaliw
maging bukang-liwayway
namamaalam
at sumasapit ang tanghaling tapat
kailangang isalarawan
ang minsang
kayo’y nasilayan
mga labi’y anong tamis ang
pagngiti
mga mata’y sing-aliwalas
ng init ng araw
anong ligayang
madampian ng ligaya
ang inyong
kabanata
sa bawat pagsigaw
paghanay
pakikipag-away
para sa inyong paglaya:
sa kalsada nagmamartsa,
sa korte’t mga ahensya
nagbabarikada
at maging sa bukana
ng inyong bilangguan,
humihiyaw ang mamamayan
kaya,
ito’y hindi tungkol
sa inyong
hirap lamang
at pagluha
ito’y tula ng
pag-asa
kayo ay lalaya
ang bayan
ang magpapasya.