Plawta’t Byulin

By ROMEL RODRIGUEZ
03 November 2011 at 23:11

Ngayong gabi, katabi ng pangalan
ng iyong mga kaanak at larawan,
nakalagak ang isang byulin na walang
kuwerdas.

Nakasandal naman ang mga plawta
sa takip ng kabaong. Na para bang
bantay,tanod o higit pa, tunay na
nagpupugay

sa iyong pagpanaw sa larangan.

Sinong mag-aakala na ang sutil
na bata: kung paano mo
pagalitan ang sariling ama kapag
kumanta ito na wala sa tono;

o kaya’y makipagbatuhan ng tsinelas
sa guro sa musika, na natawa na lamang
dahil sa hindi maunawaang eksena;

o kung paano mo ginawang
koro ang karaniwang klase
at magmistulang konduktor
ng sabay-sabay nilang pag-awit,

malilikha ang tulad mong manlilikha
hindi lamang ng sining kundi
ng kabayanihan na walang
katumbas na medalya o pagkilalang

nakakuwadro at pinirmado.

Sapagkat ang parangal sa iyo’y
mula sa bayang siya mong niyakap
sa lupang nilakaran at parang na tinahak.

Ngayon, kahit walang kuwerdas ang byulin
o hiningang tumatagos sa bibig ng plawta,
magpapatuloy ang awit hindi lamang ng iyong alaala
kundi kasabay nito ang pagtangan ng sandatang

gamit sa himig ng himagsikan,
sa musika ng digmang bayan.

Share This Post