Testimonya sa pangyayari sa Talaingod

Nang isinasara na ang paaralan gamit ang kahoy, pako at martilyo, nakatutok ang mga armas sa sino mang lumapit. Banta ng Alamara sa mga guro at estudyante, “Kung hindi kayo aalis ngayong araw, may mangyayari.”

Ni PYA MACLIING MALAYAO*

Nov 28 ng umaga nagsimula ang national solidarity mission (NSM) para sa mga komunidad ng Manobo sa Talaingod, Davao del Norte. Sila ay matatagpuan sa Pantaron Range, isa sa mga “last frontiers” ng Pilipinas na tinatarget pasukin ng higit 50 kompanya at mga proyektong mapaminsala. Excited akong makapasok sa Talaingod at makita sa wakas ang bahagi ng Pantaron Range, sagradong teritoryo na sinumpaan ng mga Lumad na depensahan hanggang sa huling patak ng kanilang dugo ilang dekada na ang nakalipas.

Inilunsad ang NSM dahil sa pagkampo ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) sa komunidad at sapilitang pagrekrut at pagpapakilos nila sa mga CAFGU (Citizens Armed Force Geographical Unit) at sa Alamara, isa sa mga binuong paramilitar ng 10th Infantry Division para sa diumano’y “counter-insurgency.” Layunin ng AFP sa operasyon nito na sapilitang isara ang mga paaralang Lumad, lalo na ang Salugpongan Ta ‘Tanu Igkanugon Community Learning Center, Inc, alinsunod sa order ni Duterte na “bombahin ang mga paaralan.”

Isang kagyat na layunin ng NSM na makapagdala ng pagkain para sa mga estudyante at guro na isang linggo nang nakakaranas ng food blockade.

LGU, mga ahensya at koordinasyon

Pya Malayao of Katribu (standing), ACT Teachers Partylist Rep. France Castro and former Bayan Muna Rep. Satur Ocampo along with two others inside the police station in Talaingod. (Photo from The Breakaway Media Group)

Ilang linggo bago pa man kami dumating, nagpaabot na kami sa LGU. Makalipas ang limang pormal na sulat at hanggang sa matapos ang NSM, wala kaming nakuhang tugon at kongretong aksyon mula sa LGU para matugunan ang kawalan ng pagkain sa komunidad at itaguyod ang karapatan sa edukasyon ng mga Lumad.

Sa kabila ng kawalang aksyon, walang palya ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya para matiyak ang layunin ng 56th IBPA na gawing kriminal ang Salugpongan at iba pang mga progresibong organisasyon, at maipasara ang mga paaralang Lumad.

Para sa layuning ito, orkestrado ang pagpapabakwit sa mga guro at estudyante, ang pagpayag na sunduin ng aming mga van ang mga lumilikas mula sa Dulyan, ang mabilis na pagset-up ng checkpoint sa Sto.nino na dadaanan namin palabas, ang maagap na pagbalagbag ng mga truck ng 56th IBPA, at ang pagsulpot ng mahirap mahagilap na officer ng MSWDO (Municipal Social Welfare and Development Office) sa bagong checkpoint.

Ang mga aksyon ng militar at maging ng iba pang ahensya ng gobyerno ay alinsunod sa “kontrainsurhensiyang” patakarang tinaguriang Oplan Kapayapaan, Whole of Nation Initiative na may IP Centric approach, at ang bangis ng martial law sa Mindanao.

Dahas

Hindi bababa sa dalawang checkpoint ang inilagay ng 56th IBPA at paramilitar sa loob ng 10-kilometrong daan na papasok sa Sitio Dulyan, Brgy.Palma Gil, Talaingod.

Nasa Dulyan campus nagpunta ang mga lumikas na guro at estudyante mula sa Salugpongan school Sitio Nasilaban. Sa Dulyan ang sentrong paaralan ng Salugpongan. Bago nito, tatlong beses nang sinubukan ng Salugpongan staff na magpasok ng bigas at iba pang pagkain, ngunit hindi ito pinapayagan ng checkpoint. Sa mga panahong ito, nakapagpatawag din ng pagpupulong sa komunidad ang 56th IBPA na pinadaloy ng Alamara at CAFGU, mando nila ay ipasara na ng komunidad ang mga paaralan ng Salugpongan. Tinanong ng isang datu sa komunidad, “Kung isasara na ang mga iyan, paano ang libreng edukasyon para sa mga anak natin?” Nagulat ang lahat, pero arogante pa ring sumagot ang isang Alamara: “Datu, matigas na ang iyong ulo, pero hindi ang iyong leeg.” Nang isinasara na ang paaralan gamit ang kahoy, pako at martilyo, nakatutok ang mga armas sa sino mang lumapit. Banta ng Alamara sa mga guro at estudyante, “Kung hindi kayo aalis ngayong araw, may mangyayari,” at sa komunidad ang banta nito ay “kung di sila aalis ngayong araw, dadalhin kayong lahat sa batalyon.” Binugbog ang isa sa mga magulang na ayaw pumirma sa petisyon ng 56th IBPA at Alamara para isara ang Salugpongan.

Pinakamatagal na tatlong oras ng buhay ko: nakatanggap kami ng stress call mula sa mga guro sa Dulyan, kaya mabilis naming in-assess ang kalagayang pangseguridad at paano makakadugtong sa kanila. Sa Sitio Igang, Brgy. Palma Gil kami unang hinarang ng checkpoint. Ang unang negosasyon ay pahintulutan kaming pumasok para salubungin ang mga naglalakad na’ng mga guro, estudyante at staff. Tanging apat na sasakyan ang pinapasok, kasama ang ilang mga delegado. Wala pang 30 minuto ay nakabalik na sila, at kasama na namin ang mga lumikas mula sa Dulyan.

Akala ko ay tapos na ang gabing iyon, ngunit wala pang 20 minuto nang makalarga na kami ay tinamaan na ng malaking bato ang harap ng aming van. Basag ang windshield nito. Binato din pala sa may gilid na pinto ang isa pang van. Lalong bumilis ang patakbo ng aming sasakyan, may mga riding-in-tandem na sumusunod at nag-o-overtake sa aming convoy. Maya-maya pa ay biglang gumilid ang mga nasa likod namin na van. Tinamaan ng spikes ang kanilang mga gulong. Kailangang huminto ng convoy at magpalit ng mga gulong. Habang nag-aantay, ang van namin ang nasa unahan ng convoy. May dumaan na namang riding-in-tandem. Huminto sila limang metro sa unahan ng aming van, humugot ng baril at pinaputok ito ng dalawang beses, at saka humarurot paabante. Wala pang dalawang minuto ay bumalik ito at dinaanan muli ang aming convoy. Yumuko na ang lahat sa takot na targetin na ang mga tao sa loob ng mga van. Hindi pa man humuhupa ang tensyon, isang PNP checkpoint naman ang tumambad sa NSM convoy paglabas nito sa Brgy. Palma Gil at pagpasok sa Brgy. Sto.Nino. Isinalaysay agad ng nasa unahang van ang naranasan ng NSM ilang minuto lang ang nakalipas. Hindi naalarma ang mga pulis. Maya-maya pa ay nariyan na rin ang dalawang truck ng 56th IBPA na nakaharang sa unahan ng convoy. Dumating din agad ang pinunuo ng DSWD sa munisipyo ng Talaingod na mahirap mahagilap noong may araw pa. Mula sa pakikinig sa salaysay ng mga delegado ng NSM na nakaranas ng pandarahas matapos sunduin ang mga nagbakwit na estudyante at guro, nag-iba na ang tono ng PNP. Katuwang ang DSWD, akusasyon na ng mga ito na dinukot ang mga bata na kasama ng NSM. Wala sa kanilang pag-unawa ang kalagayang ipinasara ng 56th IBPA ang mga paaralan ng mga bata, at sapilitan silang pinaalis mula sa komunidad.

Sa tambalang PNP-AFP-DSWD, sapilitang dinala ang convoy sa Talaingod police station. Nag-file ng blotter ang NSM para maitala ang harassment na naranasan sa daan. Ang mga pangalan ng mga nagreklamo sa blotter naman ang ginamit ng pulis at DSWD para ihanda ang gawa-gawang kaso laban sa NSM at mga guro.

Sa estasyon, trinato na kriminal ang mga bata, guro at lider ng NSM. Ginising ang mga natutulog na bata sa mga van at sapilitang pinalabas. Sa gitna ng gabi, pinahanay sila sa harap ng van, tinutukan ng malakas na ilaw, piniktyuran, kinapkapan at saka pinapasok sa loob ng istasyon. Ikinulong ang 14 na mga bata sa taas ng istasyon, kasabay ng pagkulong sa 18 na mga guro at delegado ng NSM. Habang nasa “custody” ng DSWD ang mga bata, patuloy ang paghikayat ng PNP-AFP-DSWD sa mga bata na sabihing pagpapaputok ng baril ang itinuturo sa kanila ng mga paaralang Lumad.

Mapait na pagtatagpo

Ang mga isinarang paaralan sa Talaingod ay mga boarding school, at doon din nakatira ang ilang mga estudyante ng Community Technical College of Southeastern Mindanao, Inc. (CTCSM) para sa kanilang internship ng pagtuturo. Malayo ang komunidad at mga magulang ng mga bata, ang ilan sa mga magulang ay nauna nang nag-bakwit dahil sa pandarahas at pananakot ng mga militar sa ilalim ng martial law.

Mula sa Talaingod, inilipat sa Tagum City home for the aged ang dalawang batang lalake, at iba pa ay dinala sa DSWD center sa Davao City. Dtio, hinihikayat pa rin ng DSWD ang mga bata na umalis na sa Salugpongan schools, at lumipat na sa ibang mga paaralan.

Ilang linya ng komunikasyon ang ginawa ng mga natitirang guro at administrador ng paaralan para maabutan ang mga magulang ng mga batang kinulong. Matapos ang mahigit walong oras na byahe, ilang kilometrong paglalakad, isa-isa nang nakarating ang mga magulang papunta sa Davao City. Ilan sa mga magulang ay na-hold pa sa checkpoint ng halos apat na oras. Lahat sila ay kinakailangang iwan ang iba pa nilang mga anak para agad na puntahan at makuha ang mga ipiniit na bata.

Ilang buwan din ang lumipas nang huling magkita ang mga mag-anak. Sabik silang makita ang bawat isa lalo na dahil sa ‘di magandang karanasan noong mga nakalipas na araw. Nagtalunan, nagyakapan at naluha ang mga bata at magulang sa kanilang muling pagkikita. Tila sinibat ang kanilang mga dibdib nang sabihin ng DSWD na hindi maaaring umuwi ang mga bata dahil sa order ng nakatataas at mga prosesong pagdadaanan.

Hindi sila nakakulong sabi ng DSWD. Pero sa pakiramdam ng mga bata, at paningin ng mga magulang, walang duda na ikinulong ang mga bata dahil lang sa kanilang kagustuhan na makapag-aral nang libre at angkop sa kanilang kultura at kabuhayan.

* Ang may-akda ay pangkalahatang kalihim ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas at kasapi ng national solidarity mission na ginaganap sa Talaingod, Davao del Sur.

Share This Post