BANGKOK, Thailand – Sa unang tingin, parang Pilipinas din naman ang Thailand! Kung ano ang ikinaganda ng paliparang Suvarnabhumi ay siya namang “ikina-ordinaryo” ng sistema ng transportasyon nito.
Kung ano ang hitsura ng LRT at MRT na nagkokonekta sa mga lungsod ng Caloocan, Marikina, Makati, Maynila, Pasay, Pasig at Quezon, halos ganoon na rin ang agad na mapapansin sa tinatawag na Bangkok Mass Transit System (BTS) o Skytrain. Puwede mo pa ngang sabihing mas bago pa ang ilang bagon sa LRT 2 na bumibiyahe mula Roosevelt hanggang Recto at pabalik.
Pero hanggang doon lang ang pagkukumpara. Hindi hamak na mas maraming bagon kasi ang bumibiyahe sa Skytrain kaya hindi masyadong siksikan kahit sa panahon ng “rush hour” sa Bangkok. Hindi rin mahaba ang pila para makakuha ng tiket. Organisado ang pagpasok at paglabas ng mga pasahero. Kahit na may mga guwardiyang nagbabantay, hindi na nila kinakapkapan ang mga pasahero at binubuksan ang mga dala nila. Malinaw ang tiwalang binibigay sa mga pasahero at may sariling sistema ng seguridad na hindi nakakaabala sa pagggalaw ng mga tao. At sa panahon ng tag-init, komportable ang biyahe sa loob ng bagon dahil malakas ang aircon.
Kumusta naman ang presyo ng tiket? Para makabiyahe sa Airport Rail Link mula sa pandaigdigang paliparan hanggang sa Phaya Thai, gagastos ka lang ng THB45 (o PHP74.58). Inabot lang ng kalahating oras ang biyaheng dumaan sa walong istasyon at may habang 26 na kilometro. At sa aking pagsakay mula Phaya Thai papuntang Ratchathewi na siyang susunod na istasyon, THB16 (o PHP26.52) lang ang pamasahe. Inabot lang ng limang minuto ang biyaheng ito.
Sa ating pagkukumpara ng tren sa dalawang bansa, kailangan pa bang ipaliwanag ang “penitensya” ng pagsakay sa mga tren sa Metro Manila? Naging normal na ang tulakan, balyahan at paminsan-minsang pakikipagsigawan sa kapwa pasaherong nais makasakay. Nawawalan ka ng dangal tuwing pumapasok sa istasyon dahil sa sobrang siksikan. Posibleng mahipuan ang kawawang kababaihan. Posible ring madukutan ang walang malay na mamamayan. Kailangan ding ipaalala sa ating lahat ang haba ng pila lalo na kung “rush hour” sa Metro Manila. Naaalala mo pa ba ang mga pagkakataong umaabot ang pila sa baba ng hagdan, papunta sa kahabaan ng lansangan?
Para sa ordinaryong mamamayan, mahalaga ang maikli’t komportableng biyahe. Mas mainam na gamitin niya ang lakas para sa importanteng misyon sa araw na iyon – pagsusunog ng kilay sa paaralan, pagtatrabaho sa pagawaan at anumang kailangang gampanan. At sa kanya namang pag-uwi, dapat lang na nasa kondisyon pa siya para makasama ang mga mahal sa buhay. Sa madaling salita, huwag sanang maging plakda lalo na’t nakita na ang kama.
Sabi ng isang lumang patalastas ng gamot, bawal magkasakit. Pero ano ba ang nangyayari kung natutuyuan ng pawis sa pagbiyahe? Sa mahaba-habang paglalakad para sa susunod na sasakyan, kung ano-ano ang nalalanghap, nahahawakan at naaapakan. Hindi na ito usapin ng malakas o mahinang resistensya. Walang pangontra sa maruming usok na pumasok sa mata, tenga, bibig o ilong at nakakadiring bagay na aksidenteng dumikit sa balat. Hindi na garantiya ang malakas na pangangatawan sa sakit na puwedeng makuha.
Noon, nagiging madalas ang ubo, sipon at lagnat sa panahon ng tag-ulan. Ngayon, hindi na bago ang makarinig ng taong inuubo, sinisipon o humahatsing kahit na tag-init. Aba, posible rin ang hika kung hindi “sanay” ang katawan sa polusyon.
Mainam ang paminsan-minsang pagbiyahe sa labas ng bansa para makita kung paanong ang mga bagay tulad ng palpak na LRT at MRT sa Pilipinas na unti-unti nang nagiging “normal” ay hindi talaga katanggap-tanggap. Bagama’t may batayan para manliit habang napapansin ang kagandahan ng sistema ng pampublikong transportasyon sa mga lugar tulad ng Bangkok, mas may batayan para sama-samang singilin ang gobyerno. Bakit hindi ginagawan ng paraan ng mga nasa kapangyarihan na maging komportable ang pagbiyahe ng karamihan? Para mo na ring tinanong kung araw-araw ba silang sumasakay sa tren o iba pang moda ng transportasyon tulad ng traysikel, dyip o bus.
Minsan, naiisip mo nang ipasagasa na sa tren ang mga politikong napapako ang mga pangako. Saglit lang, hindi ba’t may dating Pangulong nagsabing magpapasagasa siya sa tren kung hindi matutuloy ang pinaplano niyang ekstensyon ng LRT? Kumusta naman ang kasalukuyang Pangulo? Ilang pangako na ba ang hindi niya natupad? Ilang pangako pa ang siguradong mapapako?
Sige nga, pag-isipan natin ang isang partikular na pangakong may kaugnayan sa transportasyon. Posible nga ba talaga ang biyahe mula Cubao hanggang Makati sa loob ng limang minuto lang? Imposibleng MRT ang gagamitin dahil maraming istasyon hinihintuan sa pagitan ng Cubao hanggang Buendia o Ayala. Kung mismong lansangan ng EDSA naman ang gagamitin, kailangang 120 kilometro bawat oras ang bilis ng bus dahil mga 10 kilometro ang distansya.
Matupad man o hindi ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na masolusyonan ang trapik sa EDSA sa pagtatapos ng taon, siguro’y kailangang direkta siyang tanungin: Para kanino po ba ang inisyatibang ito? Para po ba ito sa libo-libong gumagamit ng tren, bus o dyip sa kahabaan ng EDSA? O para po ba ito sa benepisyo ng mangilan-ngilang motoristang bumibiyahe gamit ang sariling sasakyan? Kailangan pa bang banggitin ang katotohanang marami sa mga nasa kapangyarihan ay mayroong higit pa sa isang pribadong sasakyan?
Kung babalikan ang sitwasyon sa Bangkok, problema pa rin naman ang trapik pero nariyan ang pampublikong transportasyon, lalo na ang mga tren, para komportableng dalhin ang mga tao sa kanilang patutunguhan. Kumpara sa Pilipinas, malinaw na kahit paano’y binibigyang pansin ng Thailand ang pagpapabuti at pagpapalakas ng Skytrain para sa kapakanan ng mahigit 700,000 mamamayang gumagamit nito araw-araw.
Abante ng isang oras ang Pilipinas kumpara sa Thailand. Pero milya-milya ang distansya ng dalawa pagdating sa pag-unlad ng sistema ng tren (o kahit ng pampublikong transportasyon sa pangkalahatan).
Sana naman, ang anumang nararamdamang personal na inggit ay magresulta sa politikal na galit.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Si Danilo Araña Arao ay kawaksing propesor (associate professor) sa Departamento ng Peryodismo, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Siya rin ay kawaksing patnugot (associate editor) ng Bulatlat at nasa board of directors ng Alipato Media Center at Kodao Productions.