Sagot sa sulat ni Eman*

Photo by Jon Bustamante

Ni BIENVENIDO LUMBERA

Noong 1976, tatlong tulang Ingles ni Eman Lacaba, pinamagatang “Open Letters to Filipino Artists,” ang ipinaabot niya sa mga kaibigan at kasama sa kalunsuran mula sa kabundukan ng Davao.

Mula sa kabundukan ng Davao
Palihim na bumaba ang sulat mo
Dala ang balita na ang makatang haba-buhok
Bihis-hippie, anak-bulaklak,
Nagbanyuhay sa kaingin at niyugan
Kapiling ng masang magsasaka,
Hawak ay aramlite at, paminsan-minsan,
Ang bolpen,
Nakikipamuhay sa mga inapi,
Nakikilaban para sa pinagsasamantalahan.

Alam mo ba,
Lumigwak ang kapeng umaaso,
Nagbuhol-buhol ang trapik sa Mabini.
May nagdaraang jeepney,
Bumara sa lalamunan ng radyo
Ang mga salitang bayad na ni Marcos.
Nilindol ang Ermita ng mga gunita:
Ng pagkabahala dahil ang mga buhol
Ng palad ng mga palaboy sa siyudad,
Tila di kayang kalagin
Ng alinmang diyos.
Sa Makati, napagkit yata
Ang cursor ng mga computer
Na kumukuwenta sa tubo ng mga multinasyonal,
At ayaw magsalita ng telepono,
Ayaw mag-flush ang mga inidoro.

Mga propesor at estudyante sa Diliman
Na ang mga dila at bolpen ay pinitpit
Ng pangamba at pagsususpetsa,
Dinalaw ng pagkabalisa
At sa klasrum, nadurog ang chalk
Na gumuguhit sa pisara,
Sa halip na “Disiplina,”
Ang tumitik ay “Makibaka.”

Noon iyon sa Metro Manila.
Sa Tagbilaran City ngayon, sa Bohol,
Sa tabi ng dagat na gabi’t araw
May halumigmig na iwinawasiswas ang hangin,
May kalipunan ng mga kabataan,
Mga manunulat na katulad mo noon–
Binabalikan nila ang mga tinig
Na noo’y hindi dininig,
Sinusuyod ang kakahuyan
Ng mga lumang panulat
Upang tuklasin ang mga sibol at ugat
Na humihingi ng alaga at lingap
Upang maitayo ang isang mabulas na gubat.

Nang akyatin mo ang bundok,
May landas kang ibinukas
Tungo sa malayang bayang pinanga-pangarap.
Nagsanga-sanga ang landas ng gubat
At ang mga kabataang naghahanap,
May kanya-kanyang lakas,
May kanya-kanyang agimat,
Salamat sa pangarap mong pinasiklap.

Ang sinumang marunong maghanap,
May daratnan sa dulong ng landas–
Pangarap mong pinakislap,
Susunding liwanag.

*Sinulat at binigkas ito ng may-akda sa isang pambansang pagpupulong ng College Editors Guild of the Philippines sa Tagbilaran, Bohol, Abril 2001.

Share This Post