NI RICHARD R. GAPPI
Bulatlat.com
Sa mga gabing di makatulog,
iniisip ko ang mga kaklaseng
siguro,
siguro isinilid sa drum at pagkatapos sinimentuhan;
ang mga kakilalang ang mga mukha ay pinasabog
ng pasistang mga bigwas, bala at putok;
ang mga kapwa makata at mamamahayag
na pinaslang at ikinulong
dahil,
dahil nais nilang gupitin ang dila ng apoy.
Sa mga gabing di makatulog,
iniisip ko,
iniisip ko ang mga nanay at tatay
ng aking maligalig na panahon;
silang mga nanay at tatay na naghihintay
sa nakangiting pagbabalik
ng nawawala nilang mga bunso at panganay.
Sa ganitong pagkakataon,
naiisip ko
at buong-buo ang loob kong napagtanto:
na hindi lamang kapritso,
na hindi lamang makatwiran ang lumaban
kundi ito ay makatarungan.
Makatarungan ang lumaban.
Dahil ang katarungan
sa tulad nating lagi’t laging nagnanais
na maging makatao ang lipunan ng mga tao,
ang katarungan,
ang katarungan ay pag-aapuhap –
paghahanap sa mailap na himbing at idlip
habang nananaginip na sa paligid
ang mga palaka at kuliglig.
6 Agosto 2006
Inilathala ng Bulatlat