NI JOI BARRIOS-LEBLANC*
Inilathala ng Bulatlat
Paano babayaran
Ang utang ng aking bayan?
Nakayapak ang batang sinanla
Para sa mga sapatos ng isang
Unang Ginang.
Putol ang kamay ng manggagawa,
Habang lumalambi-lambitin sa daliri
Ng dating Pangulo
Ang kanyang mahal na tabako.
Gula-gulanit ang katawan
Ng magsasakang naninibilhan
Sa air-conditioned na kuwadra
Sa asyenda ng madasaling
Bayani ng Edsa.
Paano babayaran
Ang utang ng aking bayan?
Sapat na ba ang kapirasong balat,
Isang tadyang,
Kalhating puso na sa pagsilang
Ay kabiyak na ng kahirapan?
Anong kinakailangan
Upang tumindig
Nang walang pagkakautang?
Taas noo,
At walang presyong nakakabit
Sa pagkatao?
Makibaka nang walang humpay,
Pagkat hindi tayo patatahimikin
Maging ng mga punglo ng estado.
Makibaka at ialay ang laman at dugo
Na tinatakal ng mga bansang
Mayaman at makapangyarihan,
Makibaka sa bawat pintig ng dibdib
Na kanilang inaakalang
Hawak nila sa kanilang mga kamay
Dahil sa pagkakautang.
Bakit babayaran ang utang
Na di taumbayan ang nakinabang?
Sa halip,
Maningil para sa bawat guhit ng ginto na ninakaw
Mula sa kabundukan,
Bawat galon ng langis na tumapon
At lumason sa dagat.
Bawat patak ng dugo ng ninuno
Na pinaslang sa ngalan ng paglusob
At pananakop.
At bakit di natin sila pagbabayarin?
Ang ating sinisingil na utang
Ay usapin ng dangal,
Utang na katarungan.
Inilathala ng (Bulatlat.com)
*Si Joi Barrios-Leblanc ay Associate Professor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Kasapi siya ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan o New Patriotic Alliance) at International League of People’s Struggles (ILPS). Nasulat ang tulang ito pagkatapos dumalo ang may-akda sa isang panayam sa World Social Forum sa Nairobi noong Enero 2007.