Kung May Katwiran, I-blog Mo

Pwedeng magwala ang mga nasa laylayan. Kung ito ay masa, spontanyong mag-riot dahil sa kawalan ng bigas, at kitang makakaakibat sa tumataas na presyo ng batayang komoditi ng buhay. Na siya ring worst nightmare ni Gloria Arroyo: ang hindi matinag ng political correctness na People Power 4 na napipigil pa rin ang malawakang paglahok ng gitnang uri, kundi matinag ng nag-aalsang masa—ang alaala ng People Power 3 na nilusob ang Malacanang ng nahimok at binayarang mga lumpen at naghihikahos.

Pero madaling dispatsahin at lalong ietsapwera ang nagra-riot na mob. Walang natinag nang balahurain ang mga karapatang pantao ng mamamayang lumahok sa People Power 3. Spontanyo rin itong reaksyon nang mag-noise barrage laban sa pandaraya ni Marcos sa lokal na eleksyon at nilusob ng masang mob ang Kadiwa sa Espanya, ang bentahan ni Marcos ng murang bigas at iba pang batayang komoditi.

Naalarma si Marcos, at kailangan muling ipatupad ang alituntunin ng batas. Ang mga nakuhanan ng photojournalists na naglo-looting ay ipinatukoy at ipinaaresto ni Marcos. Ganito rin ang ginawa sa mga African American matapos ang mag-looting sa Los Angeles Riots—ang arestuhin ng National Guard ang mga lumabag sa indibidwal na karapatan sa ari-arian ng nakakaangat na mamamayan. Ang riots ay naganap matapos ang verdict na not guilty kay Rodney King, na kahit pa nakunan ng video ay ipinawalang-sala ng hukom ang nambugbog dito.

Spontanyo rin ang rioting laban sa pribadong ari-arian ng alta-sosyedad sa blog. Quiet riot pero riot pa rin, na sabayang nakakatawa at nakakadismaya. Na ang riot na ito ay ukol sa sabayang nakakatawa at nakakadismayang moral na kalabisan ng alta-sosyedad ay patunay sa twice-removed na kalidad ng riot sa blog: pinagtatawanan at pinagdidismayahan ng ibaba ang nakakatawa at nakakadismayang kalakaran ng itaas.

At walang (lubos na) magawa ang nais itaas. Kahit pa kumpiskahin ang computer ng Australyano, walang kasong maiharap laban sa kanya dahil mula sa Australia ito nagra-riot. Nasa virtual space na ang kanyang isinisigaw at wala pang makakapagpatanggal nito, maliban ang pribadong may-ari. Walang magawa ang winawafung sa chikatime blog dahil sa liberal na espasyo ng blogging ito nagaganap. Opinyon ito, na protektado ng right to speech or executive privilege, tulad ni Neri.

At ito ang panibagong extra-challenge sa aktibismo: paano hihimukin itong ibabang uri na may finansyal at intelektwal na kapital, kahit pa limitado, na isalabas (exteriorize) ang isyu mula sa pag-atake sa kalabisan na may caveat na “wish ko lang” na mapabilang din sa alta-sosyedad, at matransforma ang espasyo sa politikal na larangan? Ang kinahaharap ng aktibismo sa ibabang uri ay mababa; kaya nga ang piniling atakihin ay ang alta-sosyedad sa virtual na espasyo ng internet ay dahil may pag-aalinlangan sa fantasya ng pagtatanggal kay Arroyo. Kung gayon, paano pagra-riot-in at pagrerebolusyonin ang nakakaraming hanay ng mamamayan laban kay Arroyo sa edad na mas marami nang natutunghayang komplex na katangian ang mga hanay na bumubuo ng sektor, at mga sektor na bumubuo ng lipunan?

Kaya sa fantasya na lang na OK naman sila, may ilan lang bugok na itlog na nagpapasira at nagpapabaho sa kanila. O lilipas din ang skandalo. Pero ang skandalo ay natransforma na rin—sa pagpasok nitong riot blogs, nagkaroon ng fasinasyon sa alta-sosyedad bilang tao kaysa kay Arroyo bilang representatibo ng paratihang krisis sa estado: na ang krisis ay naging hiwalay sa representatibo, at ang representatibo ay hindi ang aktwal na kabuuang alta-sosyedad at estado.

Kung sa blogging, ang pagpukol ng unang bato ay susundan ng avalanche ng komento, sa politika ng lipunan, hindi nangangahulugan nang gayon. Maging ang avalanche ay kayang pigilan ng aktwal na kapanyarihan ng estado kapag piniling gawin ito. Pero nasa interes ng pamahalaan ni Arroyo na tahimik na kumilos para protektahan ang representatibong kliyente nito. Sa aktwal na politika, mas hayagan ang pagmaniobra ng pabor at parusa sa tumitiwalag at nag-eendorso kay Arroyo.

Share This Post