Indie Cinema bilang Kultural na Kapital

Sa awardings, nandoon si Mother Lily, ang anti-thesis ng indie films. Hindi nga ba’t si Raya Martin ay gumawa ng pelikulang misogynista at racista ukol sa pagkatupok sa “Mother Lily” character? Ano ang nangyari sa fantasy-ideal ng indie filmmakers na matupok ang Mother Lily-mainstream figure kung ang tunay na Mother Lily ay kabilang sa guest of honor ng pinakatampok na indie film festival sa bansa?

Ang mainstreaming ng indie cinema ay naghuhudyat ng reconciliatory position ng gatekeepers ng indie films—na may content na at kailangan na ng market. Sila na resulta ng pang-aapi ng mainstream cinema ay ngayon nag-aalok ng olive branch. Nakaka-touch, di ba? Pero dahil na rin hindi na nakakasapat ang CCP, Robinson’s at UP bilang venue. Kailangan nang makapasok ang indie films sa sinehan.

Kung gayon, ang kasalukuyang orkestrasyon ng indie films ay tungo sa mainstreaming nito. Naka-check na ang international awards. Muli nang nakapasok sa Cannes Film Festival Competition. Kailangan na lamang may manalo sa isa sa apat na first-tier festivals.

Naka-check na rin ang kabataang culturati—silang mga filmmakers ay ngayon ay audience. Kailangan na ng mas malakihang expansyon ng venue at market ng indie films. At hindi komunidad ng maralitang tagalunsod o unyon ang inaakalang venue nito. Ang oasis ng cinema complex sa tuktok na palapag ng malls.

May retransformasyon ng kultural na kapital ang kaakibat ng mainstreaming ng indie films. Ang dating indie filmmaker ay ngayon ay inaasahang maging astute marketers na rin ng kanyang pelikula. Kahit pa ang payo ng international programmers ay lumikha ng mga pelikulang orihinal, kakaiba at nanggagaling sa lokal na lipunan.

Sa 27,000 na nanood ng ikaapat na Cinemalaya, hindi iilan ang nangangarap maging filmmaker. Na hindi tulad ng writer na maaring gumawa ng akdang ibuburo niya sa pahina ng itinatagong journal, ang indie filmmaker, tulad ng blogger sa internet, ay may ini-imagine na publiko.

Siya na manonood ay umaasang maging manlilikha ng produktong mapapanood. Mayroong kultural na kapital ang indie filmmaker. Nakakapanghatak ito sa fantasisasyon ng nasa ibaba—ang kabataang culturati na makita ang sarili nilang ideal, at mahigitan ito sa matagalan.

Kahit pa ang indie filmmaker ay naglalayon maging mainstream. Na kung magpakaganito, siya na nag-iisip sa kanyang fantasya na nagsusunog kay Mother Lily ay siya palang nag-aalay ng bulaklak sa paanan nito, at nagpapakintab sa rebulto nito.

Kung magpakaganito, natupok na rin ang indie bilang kultural na kapital. Natransforma na ang kultural na kapital—anti-establisyimentong gamit sa pelikula, kontraryong bisyon sa sining, at pagtatanghal sa direktor bilang artist—at naging social capital na lamang ito.

Nakakaakyat na sa baitang ng mainstream at industriyang pampelikula ang indie filmmaker. Ang nagpakilos na rito ay hindi na dahil siya ay (ex-) indie filmmaker kundi kung sino na ang kanyang nakilala mula sa itaas na kaya ring maghaltak sa kanya sa higit pang panlipunan at pang-uring mobilidad.

Sa aking palagay, matapos ng ikaapat na taon, may krisis na ang indie films. Ang krisis ay sa pagbibigay-diin sa market—hindi pa audience na hindi naman nesesaryong nakakapagbayad—ng indie films. Ano ba yan?! Hindi ba nga nakakapaglakad ay nalulumpo na ang indie cinema.

Ang ginagawang pantawid para sa nilikhang kakulangan ng indie films ay ang pag-market ng pelikula. Kung ganito, pumaloob na ang indie films sa diskurso ng komersyalismo at industriya. Hindi iilang beses kong narinig sa mga nagsalita at filmmakers na “suportahan ninyo (manonood) ang indie films” na ibig sabihin ay bumili ng tiket at manood nito.

Imbis na isipin ang problema ay audience development, ang itinatampok na diskurso ay pag-penetrate sa palengke (market). Nagpapababa ito sa nakamit na kultural na kapital ng indie filmmakers—bilang propeta ng transformatibong sining. Kaya hindi rin kataka-taka na ang kalahating milyong grant mula sa Cinemalaya ay iniisip na kulang pa para makamit ang bisyon.

Nakadikit na rin ang estado sa Cinemalaya. Nandito ang karagdagang pondo at kredit sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) at National Commission for Culture and the Arts. Na ang bisyon ng filmmaker ay dumadaan na rin sa kapital, kundi man sa lente na rin, ng estado.

Share This Post