Nagkukubli ang Araw sa Gabi Tuwing Dapithapon

NI TERENCE KRISHNA LOPEZ
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 29, August 24-30, 2008

ano nga ba’t lungkot ang hatid
nitong paglalakad sa mababaw pang gabi
sa mga kalsada’t iskinita
nitong lungsod na anong liwanag?

ninais maibsan ang bigat na dala
mula sa maghapong pag-aalala
sa mga usaping personal, pulitikal at pangmasa
kung kaya’t sumabay sa ihip ng hangin sa gabing mababaw

ngunit paano nga bang di malulumbay
sa pagdaan sa bawat kalsada’t kalyeng
punung-puno ng karimlan at kalungkutang
iniilawan ng mga poste, kotse at ng bilog na buwan?

sa mismong kalsada
nakahelera ang mga putang sana’y nasa eskwela
sa loob at labas ng mga nakahelerang hubo-hubo bar
aba syempre karamiha’y puti ang suki

si ate nang tabihan ng madungis na si Ondoy
mabilis pa sa alas-kwatrong nakapara ng taksi
sa may tulay si Inday na bagong nanay
nirarasyonan ng ragbing naka-plastik ang mga kapatid

umaalingasaw ang mga esterong imburnal
sa ilalim ng ga-higanteng tarp ni inang Gloria
ang mga pusa’t asong kalye’y alam na alam
sa ilalim ng tarp na ’yon dumudumi, dumudumi.

sa bandang ibabaw ng haywey naman
punung-puno ng magagarang kabataan
itong mga painumang presyo’y singtaas ng langis
mailaw, maingay, buhay na buhay [ay! Anong buhay?]

bakit nga ba nagtataka
ilang libong tula ang naisulat na nga
tungkol sa lumbay na nadarama ng makata
hatid nitong lipunan sa lumalalim na gabi

ilang makata na rin ang umakda
na gumising man bukas sa tanghaling tapat
ang mga nakita kagabi’y nakabuyangyang pa rin
hindi iyon dahil sa araw na nagkubli

umaga, tanghali, gabi, takip-silim,
ang mundo ko’y palengke
buhay na buhay anumang oras
ang pagbebenta ng anumang may bibili

papatak ang luha sa mata
malulumbay at tatangis pa nga sa nakikita
ano nga ba ang magagawa?
Ano nga ba ang makakaya?

magkukubli na lamang din sa dilim
gaya nitong haring araw
nagkukubli sa tuwing dapithapon
ipinauubaya sa gabi ang mga dalita

Inilathala ng (Bulatlat.com)

Share This Post