Ang Pagbabalik ng Mga Unyonista

Ang pagpaloob ng manggagawa sa kapangyarihang ekonomiya ng kulturang popular—na isa rin namang higanteng negosyo—ay nagmamaterialisa sa kanyang depolitisasyon: hindi na siya nag-iisip bilang manggagawang kailangang militanteng ipinaglalaban ang kanyang mga karapatan at kagalingan, nag-iisip na siya bilang konsumerista na ang kabalintunaan naman, ay mababa ang aktwal na ekonomiyang kapangyarihan. Walang ganap na ekonomiyang kapangyarihan—lalo na kapag nasisante—wala rin siyang ganap na politikal na kapangyarihan.

Tinanggap na niya ang sariling abang lagay bilang ideal—hindi mababago, umasa na lamang sa kawanggawa ng kapitalista’t gobyerno, maging mapagpasalamat pa nga dahil kahit papaano ay may trabaho. At kung magpakaganito, pinapailalim na niya ang kanyang ekonomiya at politikal na interes at karapatan sa poder ng estado. Ang ganitong mapagtanggap—hindi nagtatanong at nanlalaban—mula sa antas ng sarili ng manggagawa ang nagbibigay-kapangyarihan sa estado na gawin ang ginagawang paglalapastangan nito sa hanay ng kilusang paggawa.

Ang natural na rekurso ng produksyon ay gawing tago ang lahok ng lakas paggawa ng manggagawa. Sa punto de bista ng pagbili at pagtangkilik sa mga produkto ng kapitalista, pinaglalaho ang substansyal na lahok ng lakas paggawa, at sa proseso, ginagawang mahika ang produktong nagiging komoditi na. Sa pagkain ng Chicken Joy, halimbawa, walang nakakaalala sa manggagawang nagpakain araw-araw sa manok, nagpalaki nito, pumala sa dumi nito nang hindi mapiste ang manok, nagpatay at nagbalahibo sa manok, naghiwa at nagpirito nito.

Dahil kapag naalaala na ng konsumerista ang elemento ng lakas paggawa, hindi na magiging kasiya-siya ang pagtangkilik sa produkto. Nawala na ang mahika nito. Hindi nga ba ang kasiyahan sa magic ay ang pagpapanatili nitong sikreto—hindi nakikita ang harness o ang inipit na baraha—dahil hindi mamamangha ang tumutunghay kapag alam niya ang sikreto ng magician, o kaya ay nabisto niya ito. Kailangan ay nasa pwesto ang bawat elemento ng trick ng magician.

Hindi sinasagpang ng mga alagang tigre, lalo na sa harap ng manonood, ang magician. Hindi ito nalulunod habang nakatali ng kadena at nakalublob sa nakatagong tangke. Ang kapitalista bilang magician ay nagiging makapangyarihan kapag nakatago ang operasyon ng paghuthot niya ng kita. Ang kalakarang kapitalismo para maging matagumpay ay dapat nakakapangumbinsi sa magic na magpapalaho sa paggawa.

At ang tumutunghay—tumatangkilik at kabilang dito ang manggagawang hindi pa nga lubos ang kapangyarihang makapagtangkilik—ay natuto na ring suspindihin ang kanyang paniniwala, at manalig na wala siyang dinadambong na manggagawa sa proseso ng pagtangkilik. At kung mayroon man, nakakapag-maan-maangan, tulad sa magic, na hindi niya alam ito dahil ang trick ng kapitalismo ay gawin nga namang tago ang proseso ng transformasyon ng produkto sa komoditi.

Susing kawing rito ang transformasyon ng paggawa sa antas ng desubstansasyon at depolitisisasyon nito. Ginagawang wala itong reli (relevance o halaga) sa akto ng malling at konsumpsyon ng komoditi. Walang manggagawang lumikha ng mall, at damit at serbisyo na itinitinda sa loob nito kahit pa sandamakmak ang taong inilagay sa pwesto ng subkontraktwal na manggagawa. Kahit pa ang mismong maller ay isang manggagawa rin. Hindi niya kinikilala ang taong nagsisilbi sa kanya bilang kanyang kahanay, at lalong hindi kauri. Tinanggap na niya ang posisyon bilang konsumerista at gitnang uri sa aktong ito.

Ang tanging rekurso sa depolitisasyon ng manggagawa ay ang politisasyon ng individual at kolektibong hanay. Sa pamamagitan ng edukasyon at militanteng pagkilos marerealisa ng manggagawa ang kanyang tunay na potensyal: pwede niyang patigilin ang makina at pabrika, pwede niyang pigain ang kita ng kapitalista, at sila mismo ang pinakamasamang panaginip ng kapitalista dahil narealisa nila ang tunay nilang halaga—ang tagapaglikha ng kasaysayan.

Ang nangyari sa Mayo Uno 2009 ay isa lamang yugto sa realisasyon ng manggagawa sa kanyang halaga, ang tagapag-akda ng kasaysayan. At kung ang indikasyon ay ang bilang ng nagkakaisang hanay ng manggagawa, magsasaka, estudyante, guro at intelektwal, ang estado ni Gloria Arroyo ay nangangamba na. Sa edad ng pangdaigdigang ekonomiyang krisis, ang pinakamasamang panaginip ng estado ay nangyayari na: muling inaangkin ng manggagawa ang kanilang politikal na kapangyarihan.(Bulatlat.com)

Share This Post