Politika ng Kulturang Popular ng Cha-cha

Ang pinakamasahol na presidente ay yaong di lamang nagsasaalang-alang ng lehitimo—kahit pa nga sa napakaraming pagkakataong ay imoral—na politikal na kalakaran, kundi binabaluktot ang mali para maging tama. Hindi nga ba’t sa mga public service na komersyal ng Nestle tungkol sa pagsunod sa batas—mula sa guilty complex na ang bata ng tumutunghay sa kamalian ng nakakatanda–ay umaalingawngaw sa ginagawa ring pagkabaluktot ng may kapangyarihan sa mismong prinoproyekto nila?

Naging kabahagi ng kulturang popular ang pagbabago ng saligang batas. Malinaw ang interes ng estado rito. Walang egalitaryong misyon sa pagbabago kundi ang mapanatili ang binakabaluktot na interes ng naghaharing paksyon ng estado. Ang sinasabing mas makakatugon ang imumungkahing charter sa global na krisis at globalisasyon ay hindi lubos na akma.

Ang totoo, ang adhikain ay mapanatili ang naghaharing paksyon ni Arroyo. Na ang kadahilanan din naman ng kanilang gahamang pagnanais makapaghari ay sarili rin naman nilang kagagawan—ang pinakamasibo at sistematikong pangungurakot sa kaban ng yaman ng bansa, ang pinakamalawak na politikal na pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao matapos ang mga Marcos.

Kaya ang sayaw ng pagkabulok, ang cha-cha ang kinahahantungan. Na hindi naman nabibigyan-katarungan ang Cubanong sayaw, maliban sa pag-indak ng balakang, footwork, at sinkronisadong pares na nagsasayaw. Inaasahang umindak ang mamamayan sa sinkronisadong pagsayaw ng cha-cha. Tunay na nabago ang saligang batas noong 1986, inaprobahan ng 1987. Kahit pa maraming depekto ang konstitusyong ito, marami rin itong makabayang probisyon, tulad ng pagmamay-ari ng negosyo sa bansa na kalakhan ay sa kamay ng Filipino, maging sa good governance, tulad ng pagtakda ng termino sa halal na ofisyal.

Maging sina Ramos at Joseph Estrada ay nilaro ang cha-cha. Sa kasagsagan ng kagyat na pambansang pag-angat sa administrasyon ni Ramos, lumaro sa isipan nito na manatili sa kapangyarihan. Pero hinadlangan ang “People’s Initiative” ng Korte Suprema, at ng pandaigdigang krisis ng 1997. Naunsyami ang limitadong bisyon ng First World na Philippines 2000.

Si Estrada naman ay nagtatag ng Concord (Constitutional Correction for Development) na nilalayong baguhin ang restriktibong probisyon ng 1987 na Konstitusyon. Inudlot naman ng People Power 2 ang kanyang fantasya. Pero ang pinasustenido ay ang tatlong malawakang pagpupursigi ni Arroyo: una, ang Sigaw ng Bayan na People’s Initiative ng 2005-06 na ibinasura ng Korte Suprema; ikalawa, ang Constituent Assembly sa ilalim ni Jose De Venecia, na nabasura sa paghihiwalay ng landas ng dalawang politiko; at ikatlo, ang Constituent Assembly sa ilalim nina Prospero Nograles, ang pumalit na Speaker of the House matapos si De Venecia, at ang pangunahing tagapagtaguyod nito sa Senado, si Aquilino Pimentel.

Isang taon matapos ang inisyatiba nina De Venecia at Pimentel, sumunod at naipasa ang HR 1109 nitong Mayo 2009. Mabilisan, halos patago sa kinagabihan, inaprubahan ang resolusyon ng mayoryang konggresista bigla na lamang in-attendance sa plenary hall. Kabilang sa mga probisyon na inaakalang mababago ay ang 100 porsyentong pag-aari para sa dayuhan ng mga lupain at korporasyon sa bansa; formalisasyon ng Visitng Forces Agreement at US military bases; immunity para kay Arroyo; ang pagpapalit ng anyo ng gobyerno mula presidential tungo sa parliamentaryong anyo; at ang pagtanggal ng anti-nukleyar na mga probisyon sa 1987 na Konstitusyon.

Sa politikal na imahinasyon ng may aktwal na politikal na kapangyarihan ng gabi ng boto, ang Con-ass (Constitutional Assembly) ay nagpapahiwatig ng kapangyarihang mag-etsapwera ng natitirang simulacrum ng liberal na demokrasya. Walang pagtatangka ang administrasyong Arroyo na ikubli ang agenda at interes nito—ang manatili sa kapangyarihan lampas ng 2010.

Na hindi rin naman hiwalay sa pandarambong ng malalaking negosyo na nag-aastang may panlipunang kamalayan. Ang Nestle na propaganda ukol sa gawain ng matanda na tinutularan ng bata ay nagsasantabi sa rekord nito ng union-busting, maging ang trail ng pagpaslang kay Ka Fort, ang lider ng unyon ng manggagawa sa Nestle. Namamayagpag pa rin si Henry Sy sa di na mabilang na mall na itinatayo. Dumadalo ito sa sariling helicopter para sa pagbubukas ng mall, gaano man ito kalayo.

Share This Post