Bawal ang Mahirap Dito

Graffiti ito sa may harap na bakod ng Faculty Center sa U.P. Ang kumpletong sinulat sa itim na tinta ay “Bawal ang mahirap dito.  Mahal ang tuition!”  Tamang-tama ang pagkasulat dahil sa panahon ng UPCAT, ang entrance exam sa U.P. Malaman ang sinasaad ng slogan na ito. Hindi na pangmahirap ang U.P. Na kahit makapasa sila ay hindi naman nila kakayanin ang tuition fee.  P300/unit ang pinakamaliit; P1,000/unit ang pinakamalaki. Hindi pa kasama rito ang buhawi ng “other fees,” na halos lahat ng kurso, kahit hindi siyensa at teknolohiya, ay may kaakibat na lab fee.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Vol. VIII, No. 27, August 10-16, 2008

Graffiti ito sa may harap na bakod ng Faculty Center sa U.P. Ang kumpletong sinulat sa itim na tinta ay “Bawal ang mahirap dito.  Mahal ang tuition!”  Tamang-tama ang pagkasulat dahil sa panahon ng UPCAT, ang entrance exam sa U.P.

Malaman ang sinasaad ng slogan na ito. Hindi na pangmahirap ang U.P. Na kahit makapasa sila ay hindi naman nila kakayanin ang tuition fee.  P300/unit ang pinakamaliit; P1,000/unit ang pinakamalaki. Hindi pa kasama rito ang buhawi ng “other fees,” na halos lahat ng kurso, kahit hindi siyensa at teknolohiya, ay may kaakibat na lab fee.

Kapag sinabing bawal, may sinasabing relasyon na may nagbabawal at may pinagbabawalan. Ang nagbabawal ay ang administrasyon ng U.P. na talamak, lampas pa sa mga pinakamahal na pribadong pamantasan, na nagpapatupad ng neoliberalismo sa edukasyon. Lahat ng bagay, kahit walang kinalaman sa investment, ay pinagbabatayan sa computable na cost-benefit analysis.

Kaya kahit na kontra-rasyonalisasyon (bakit mayroon nito sa loob ng isang pamantasan?) at kontra-liberal arts (may kritikal na kakayahan ba ang trabaho rito?) ang pagtatayo ng sandamakmak na call center buildings sa Commonwealth Avenue, kineri pa rin ito ng administrasyon sa pagnanais na makalikom ng P100 milyon kada taon mula sa Ayala Corporation na umupa nito.

Ang pinagbabawalan ay ang mga may kawalan ng titulong makapag-aral sa U.P. Ito ang mahihirap. Na doble paghihiwalay sa mahihirap sa kampus. Una, ang pagtrato sa mahihirap na walang entitlement sa tertiary education mula sa bagong-silang na “national university” na U.P. Pinapapasan sa kanila ang mataas na halaga ng edukasyon, kasama ang mataas na halaga ng pagtira sa kampus sa mga taga-probinsya.

Ikalawa, ang pagtrato sa mahihirap na wala ring entitlement kung sakaling nakapaloob na sila sa U.P., pati ang mga nakatira sa kampus. Kakaiba ang U.P. dahil mayroon itong komunidad sa loob ng kampus.  Sa pagbabago ng ruta ng C-5, ang Palaris na tinitirhan ng maraming bilang ng empleyado, guro at retirado ay mawawala na.

Militante kung magbantay ang SSB, ang militia ng administrasyon, sa mga tao, lalo na sa Academic Oval. May curfew na raw sa loob nito. At pati mga guro ay pinagbabawalan nang tumambay sa lagoon at Sunken Garden lampas alas-dyes ng gabi.

“Ligtas” ang pakiramdam sa kampus dahil nga wala nang tao sa loob nito, matapos ng alas-dyes.  Para itong “kapayapaan ng sementeryo” na bibanggit tungkol sa isang fasistang rehimen. Wala nang pumapalag dahil nga lahat ay pinatay na. Ligtas at mapayapa ang kapaligiran dahil ipinagbabawal ang mismong tao rito.

Ang isinasaad din ng slogan ay afiliasyon ng U.P. sa estado. Na tulad ng ipinagbabawal ng estado, walang politikal na karapatan ang walang ekonomiyang lagay na mamamayan.  Maliban sa dole-out ni Gloria Arroyo ng P500 sa gumagastos ng murang kuryente o pabigas sa mahihirap pero perfect attendance na mag-aaral, walang sustenidong safety net at disenyo para sa mahihirap.

Tulad ng estado, kanya-kanyang paghahanap ng salbasyon sa U.P. Walang inilatag na safety net dahil mas matimbang ang gastos kaysa sa aktwal na benefisyo nito sa unibersidad. At ang turing nga sa mahihirap ay gagastusan pa, kung sakaling makapasok.  Kaya bago sila makapasok, mainam nang magkaroon ng pagpupulisya sa ranggo nito.

Bukid sa slogan na ito, nakapinta rin ang “Tutulan TOFI” (tuition and other fee increases) sa bakod ng Faculty Center, maging sa signboards mula sa Philcoa. Sa College of Law na may tarpaulin sa harap nito ng “100% College of Law,” pinalitan ito ng “1000 TOFI.”

Ang graffiti, siempre, sa punto-de-bista ng administrasyon ay vandalismo o pagyurak sa pribadong pag-aari ng pamantasan. Pero sa walang rekurso sa ofisyal na lagusan ng media, ang graffiti ang media ng paglalahad ng naisantabi. Ang graffiti ay anti-estabilisimento, anti-awtoridad at anti-rehimentasyon.

Kaya tinataguriang vulgar, bastos at pedestriano sa isang banda, at napaka-politikal, hindi angkop na aksyon sa kabilang banda. May reclaiming na ginagawa ang gumagawa ng graffiti, re-claiming dahil hindi naman siya ang lehitimong may-ari nito sa simula pa lamang.  Inaako lamang niya na kanya ang isang bagay na ipinagkakait sa kanya.

Kung ganito, pinagsanib ang mob at politikal na mentalidad na sa unang usapin ay ikinawing din naman sa masa. Walang distinksyon ang politisado at hindi politisadong masa. Ang vandalismo—kasama ang pagsulat sa dingding at pinto ng CR (comfort room), maging sa mesa ng mag-aaral—ay ang rekurso ng naisantabi sa mapanupil na kolektibong lagay.

Kaya rin parating sa laylayan ng poder ng kapangyarihan ang mga graffiti. Sa mesa ng mag-aaral, sa banyo, sa nakakubling dingding, sa madilim na lugar, at iba pa. Na ang trespassing na sabjek na nagva-vandalize ay isa naman talagang nang trespassing na nilalang bago pa man siya mag-vandalize. Sa figura ng aktibista o naetsapwera, matagal na silang nasa laylayan.

Share This Post