Mary Jane

Sumasagupa sa malaking alon ang payak mong bangka.
Milya pa ang layo bago matunton ang lupa.
Sasabayan ng pagbagsak ng luhang mas maalat pa sa dagat.
Pilit isinasalba ang buhay at mata’y maimulat.

Mabilis ang pagsagwan sabay sa alon ng mapanghusgang unos.
Lalaban, susugod, pananglaw sa karagata’y hindi mauubos.
Saan ipaglalaban ang puso mong busilak
Kung kaliwa’t kanan ang hampas, tusok, at tulak?

Sa alin mang paraan ang buhay mo’y matapos.
Kasaysayan mo’y patuloy na aagos.
Sa kagulumihanan dulot ng mabatong tuwid na daan.
Mabagal. Masakit. Pilit humihinga sa kabila ng kapabayaan.

Mary Jane, kamusta ka na?
Ang iyong mga anak ay nakakain na.
Habang ang iyong ina ay nagdurusa.
Sa bawat tibok ng iyong puso ay akin ding pangamba.
Biktima ka nga ba ng mapanlinlang na daigdig
O gobyernong sa huli lang kung ang puso’y pumintig?

Dinig sa ibayo ang panaghoy ng isang matatag na ina.
Nauulinigan ang unti-unting pagtikom ng kanyang hininga.
Parang isang umaga na may pulang araw,
Kailanman sa silangan ay hindi na muling lilitaw.

Gaano kahirap harapin ang kamatayan
Lalo’t pa-usbong ng supling ay ‘di na masisilayan?
Mary Jane, sa muling pagtatagpo ng ating mga mata,
Sana’y wala ng luha akong makikita.

Damhin ang lunggati na maiwaksi ang pait at pighati.
Sana’y hirap sa pagsalubong sa malakas na daluyong ay mapawi.
Sa iyong huling sagwan, magiging tanda sana ng tuluyang pagkabunyag ng kaaliwaswasan.

At ang iyong bangka…
dalhin ka nawa sa inaasam na laya.
Doon sa pampang kung saan ang iyong mga anak ay hinihintay ka na.

Ni Lee Harvey David
(https://www.bulatlat.com)

Share This Post