Sa Alaala ni Kasamang Alex

Ni LHON PANKS

Natanggap ko ang masamang balita,
Nanlamig ang buo kong katawan at
Saglit ay natulala; Huminto ang oras ng
Sandali at napako ang tingin.
Mariin ang pagkakatitig sa tasa ng kape,
Tila bang hinihintay ang  dagli nitong paglamig.
 
Malamig ang gabi…
Dala ng namumugtong kalangitan,
Nakikiramay sa iyong paglisan.
 
Habang naglalakbay ang diwa,
Malayo ang lipad, Pilit inaabot ka sa hinagap,
Sinisinsin ang labi ng bawat gunita at hinahagilap.
Saan nga ba kita unang nakita?
 
Ah! sa Isang Gabi ng Makabayang Sining
Bumibigkas ng tula nang buong giliw.
Dala mo’y inspirasyon sa masang tagapakinig,
Sa amin naring iyong kasama at kapanalig.
 
Madalas na kitang marinig mula noon,
Sa mga liwasan, sa lansangan lagi kang napapanood.
Nanunuot sa isip ang bawat tugma mong sinasambit,
Matatalas, na tila bang tabak na isinusumpit.
 
Mabilis ngang lumipas ang panahon,
Nang muli kang makita’y maraming nagbago;
Ang iyong katawan man sa sakit ay umimpis,
Ngunit kailanma’y ang paninindigan ay hindi mo tinikis.
 
Katawang-lupa mo man ay yumao,
Ang iyong mga tula at panulat
ay patuloy na magmumulat
Sa masang tiyak mong pinag-aalayan.
 
At sa panahon ng pagkamulat
Ng dagsang mamamayan;
Hindi na namumugto ang langit,
Kundi unos na nagngangalit.

Share This Post