Ama

Ni RENE BOY ABIVA

I
Ginawa kong bukas ang ‘yong simbahan
para sa mga anak mong ‘alang matuluyan
pinagpasyahan kong ito’y maging kanilang kanlungan
sa gaya ni Aling Maring, Tata Mario at iba pa
na mga nangagsipaglayas sa Baryo Kalbaryo
nang hambalusin sila ng militarisasyon,
‘di lang mga tao, Ama, ang aking kinanlong
kasama pati ang kanilang mga alagang hayop
kambing, baka, manok
lahat, lahat
‘ala akong pinili
sapagkat silang lahat ay ‘yong mga anak at likha
na ayon na rin sa Henesis.

II

Ginawa kong bukas ang aking palad
bukas sa lahat lalu na sa mga inaapi
sa gaya ni Tata Ondoy na ‘alang lupa
sa gaya ni Mang Ipe na manggagawa sa pagawaan ng maong
sa gaya ni Martang nais magbagong buhay mula sa pagiging babaeng bayaran
sa gaya ni Umpong na nabubuhay sa pangangalakal ng basura
sa gaya ni Guiller na pinaghinalaang rebelde’t kinasuhan ng pamahalaan
sa gaya ni Ciano at iba pa sa loob ng piitan na ‘alang mga dalaw
sa gaya ni Olang at iba na itinaboy sa kanilang sariling pamamahay
sa gaya nilang ‘asa lansangan at natutulog sa mga bangketa at eskinita
sa mga ‘alang pampaburol sa mga kaanak na yumao
sumisigaw at nakikibaka ang kanilang atungal
at niyayanig n’to ang aking konsensya
“karapatan, karapatan
paulit-ulit na karapatan”
ang sa aki’y bumabalot gabi-gabi sa kumbento.

III

Ginawa kong bukas ang aking sarili
bukas sa iba gaya ng sa turo mo, Ama,
sa ngalan ng pananampalatayang may gawa
nakita kong buo ang aking sarili sa kanila
sa mga gusgusin nilang katawan
sa mga maalat at de-muta nilang mga mata
na makikinang at ubod ng pag-asa
sa kanilang dibdib na umaapoy ang ‘di matatawarang pag-ibig
sa kanilang magaspang at puno ng kalyong mga kamay
na sugatan dala ng ‘di mabilang na taon ng pagpapagal
at sa mga paa nilang binugbog na ng panahon at pasakit.

IV

Ginawa kong buhay ang pananampalataya sa pamamagitan ng gawa
sinunod ko ang ‘ika ng Propetang si Isaiah o ni Apostol Pablo
iginayak ko ang iyong mga anak laban sa mga tao at uring sibasib
sibasib sa yaman at kapangyarihan,
inilagay ko sa kanilang ulo, dibdib, kamay at paa ang baluteng bakal
at sa pagtitiwala namin sa ‘yo Ama’y naging singgaan ng tingting
ang dati’y kay bigat na kalasag at espada,
ginatungan ko ang kanilang puso ng apoy
diniligan ko ang kanilang dugo ng Banal na Tubig
at inalayan ko ng dasal ang kanilang araw-araw na pakikibaka
laban sa mga kampon ni Satanas!

V

Ama, ama…
ako na ngayo’y gaya mo at nilang inuusig
at malamang sa ‘di malayong panaho’y sasapitin ko ang ‘yong sinapit sa Bundok Kalbaryo
Ama, ama…
buksan mo sana ang puso at isipan ng mga taong ito sapagkat ‘di nila alam ang kanilang ginagawa.

VI
Ama, ama…
at kung ang kamatayan ma’y ganap nang sumapit
h’wag mo sana kaming kalimutan sa ‘yong Paraiso
alam naming ang mga ubos-kayang nagsilbi sa Bayan
ay magkakaroon ng buhay na walang-hanggan
sa Lupa at sa Langit.

VII

Ama, ama…
nawa’y gumising na ang nahimbing mong Bayan sa Silangan,
nawa’y mapagtagumpayan ng mga anak mong alipin ang kanilang laban
sa mapamuksang kaharian ng Bagong Babilonya at Haring Nebukadnesar.

VIII

Alam naming kaisa namin ang mga Anghel
kaisa sa paghuhukom laban sa mga halimaw
amen. (https://www.bulatlat.com)

Alay ang tulang it okay Fr. Mark Ventura ng Gattaran, Cagayan at Fr. Marcelito Paez ng San Jose, Nueva Ecija. Mga tunay na lingkod Simbahan at lingkod Bayan.

Share This Post