Usap-usapan ngayon ang naganap na trahedya matapos banggain ng sasakyang pandagat ng mga Tsino ang bangka ng mga Pilipino sa Recto Bank sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Trahedya ang naganap sa mga mangingisda dahil matapos silang banggain, iniwan lang sila ng mga Tsino sa gitna ng dagat at hinayaang magpalutang lutang nang ilang oras. Maililigtas lamang sila nang saklolohan ng mga mangingisdang Vietnamese. Trahedya rin na dahil sa pagkasira ng kanilang bangka, malaking halaga ang nawala sa mga mangingisda. Malaking halaga ang nawala sanhi ng nasirang bangka, ang nawalang huling isda, pati ang nawalang panahong dapat sana ay kumita na sila sa kanilang pangingisda sa dagat.
Subalit higit na trahedya nang ang kanilang sariling pamahalaan mismo ang hindi naniwala sa kanilang salaysay at sa halip ay kinampihan ang nakabanggang mga Tsino sa kanilang kakatwang bersyon ng pangyayari. Ang pangulo mismo ang nagsabi na isang maliit na insidente lamang ang nangyari at hindi dapat palakihin ang usapan kundi baka gyerahin ng Tsina ang Pilipinas at sinabing panakot na tiyak hindi tayo mananalo sa gyerang ito.
Kalimitang nagsasabi na laging domestiko ang turing ng politika sa Pilipinas. Mula sa kampanya hanggang sa proklamasyon at sa mga unang panahon ng pag upo ng isang nahalal, maraming pagkakataon na ang usaping panloob lamang ang nagiging sentro ng atensyon ng mga tao sa pagtingin kung mabuti o masama ang kandidato o pangulo para sa isang bayan.
Kakaiba kapag nasasadlak sa usapin ng kapakanan ng mga sariling mamamayan ang naihahain sa usapin at kinakailangang isakripisyo ito kapalit ng ‘mabuting pakikipag-ugnayan’ sa isang malaking bayan. Walang pagpipilian ang mga pulubi, sabi nga nila. Ang mga walang wala sa buhay ang nagsasakripisyo ng sarili niya, kahit ang dangal at pagtingin ng iba, dahil takot itong mawalan ng limos na ibibigay ng higit na malakas sa kanya.
Ganito ang nangyari sa Recto Bank at ang trahedya ng mga magsasaka. Noong 1950s, ganito na ang sinasabi ni dating Senador Claro M. Recto nang sabihin niyang parang pulubi ang Pilipinas sa pakikipag-ugnayan nito sa mas malalakas na bayan.
Ang kakatwa dito, nasa Konstitusyon ng Pilipinas ang pagtatakda ng malayang direksyon ng pakikipag-ugnayang panlabas subalit nagugulat pa rin ang mga tao kapag may pangulong nagsusulong nito. Tila nakalimutan na malaya na ang Pilipinas at nararapat lang na tumayo na ito sa sariling paa. Nahirati na sa pagiging palaasa sa tulong pinansyal at kapanatagang militar ang mga naunang pamahalaan kaya mas nanaisin pang mamalimos ng tulong mula sa labas kaysa igiit na malaya na tayo at kaya nang makipag ugnayan nang marangal sa anumang bayan na nanaisin.
Tila isang trahedya ang pakikitungo natin sa ibang bayan – kahit isa na tayong malayang bayan, parang laging handang magsakripisyo para lamang maging maganda ang turing sa atin ng malalakas na bayan.
Bakit nangyari ito sa Pilipinas? Sabi ni Recto, kung bangkarote ang lokal na administrasyon, mahina din ang pakikitungo natin sa ibang bayan. Kaya parang pulubi tayong naghahayag ng ating patakarang panlabas ay dahil mahina ang pamahalaan na palagiang umaasa sa pakikialam ng dayuhan upang solusyonan ang ating mga problema sa seguridad at pinansya.
Ang obligasyon ng pamahalaan sa kanyang sariling mamamayang ang isinasaisantabi kapalit ng pakikitungo at pabor na makukuha sa malakas na bayan. Ito ang obligasyon ng mga pinuno sa ating mga kababayan at ito rin ang sinasabi ni Recto na dapat maging batayan ng pagsusulong ng malayang patakarang panlabas. Igagalang tayo ng ibang bayan kung igigiit nating ituring tayong pantay at patas sa entablado ng ugnayan ng mga bayan.
A bankrupt administration must necessarily have a foreign policy of mendicancy; and it is inevitable that it should invite foreign intervention to do what it cannot do for itself. When a government cannot count on the united support of its own people, then it must unavoidably have recourse to the support of a foreign power; and because beggars cannot be choosers, we can be safely ignored, taken for granted, dictated to, and made to wait at the door, hat in hand, to go in only when invited.
But as long as we are an independent Republic, we can and should act as a free people and as Filipinos. As Filipinos we must profess and declare that the security of our nation is paramount, and as a free people we must profess and declare that, while the liberties of other peoples are important to us in this world of interdependence, our first duty is to our own.
Sa panahong higit na sopistikado na ang mga armas pandigma ng mga bayan, na nagiging maigting ang kumpetisyon ng mga ekonomiya ng iba ibang lipunan, at laging may nakaambang panganib mula sa terorismo at kaguluhang dulot ng pundamentalismong ideyolohiya na hindi kumikilala ng paggalang sa ibang bayan – ang pagsandig sa isang higit na malakas na bayan ay maituturing pa ring isang pamamaraan ng mga pulubi.Sa panahon ni Recto hanggang ngayon, makabuluhan pa ring tingnan kung paano natin igigiit ang ating kalayaan, at kung paano natin makakamit ang tamang paggalang at pantay na pagtingin sa atin ng ibang bayan. Si Recto ang nagsabi sa kasaysayan na panahon na para umalis tayo sa pamamaraan ng mga nanlilimos at maging isang kagalang galang na lipunan sa harap ng pandaigdigang tanghalan. Ang magkakapatong na trahedyang sinapit ng mga mangingisda sa Recto Bank ang patunay na patunay pa ring nanlilimos ang pamahalaan sa pakikitungo nito sa ibang bayan.
Reference:
Claro M. Recto, “Our mendicant foreign policy”, a speech at the commencement exercises, University of the Philippines, April 17, 1951
*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.