May Guhit ng Langis ang Tubig sa Guimaras

NI RAUL FUNILAS
Inilathala ng
Bulatlat.com

Hindi ko maisip kung anong balangkas ang maiaambag
Tungkol sa tubigang hinaplos ng lapot ang banigang lawak;
Mula nang lumubog ang M/T Solar One sa laot Guimaras
Tila ba napudpod, naubos ang laman ng aking panulat.

Ayaw kong tunghayan pupong pahayagang siyang nagtititik
Kung ano’ng nalikha ng nagluksang langis na yakap ng tubig;
Tila ba daluyan ng dolyar at milyong ambag sa pagtangis
Nitong maglalayag sa ektaryang parang na naghihinagpis.

Ayaw kong pakinggan ang tusong orador doon sa kongreso,
Ayaw kong manood doon sa bulwagang suwagang senado;
Ayaw kong makita ang pangakong pako doon sa palasyo
Dahil nakukubkob ang litanyang dayaw ng demonyo’t d’yablo.

Di ako sasamang sumisid kasama’y ang tusong dayuhan,
Upang maiahon ang bangkay ng barkong M/T Solar One;
Dahil ang alam ko kapagka napunggal sa dagat-libinga’y
Unting mawawala’y inutang na dolyar sa kaban ng bayan.

Ayaw kong tulain ang parusang bigay at husga ng langit,
Ayaw kong tugmain ang linyang taludtod at guhit ng tubig;
Dahil nakikita’t lahat na naganap dito sa paligid
Ay likha ng taong gusto nang magunaw ang ating daigdig.

Agosto 29, 2006

Inilathala ng Bulatlat

Share This Post