NI AXEL PINPIN
Inilathala ng Bulatlat
Planado at tiyak nang simulan nilang hukayin
ang libingan nilang magiging mga martir.
Rigodon na nga sila at di magkamayaw
upang ipagyabang sa ‘yo, Jovi, ang di nila pag-ayaw
sa handog mong kamatayang walang hanggan.
At inihahanda rin nila ang kanilang mga dibdib
habang inaantay ang kalabog ng kamaong lintik.
Ang kanilang tadyang ay sadyang matitibay din,
nang ang tadyak ng bota ay di indahin.
Sinangkalan nila ang kanilang leeg at batok. Pinatatag.
Ihampas man ang dos-por-dos ay di matitinag.
Pati ang kanilang mga lulod, ang mga tuhod –
aldabahin man ng lanobo at kahit pa tuod.
Lupig mo nga yata sila ngayon, Jovi.
Pero maging ang daliri nila’t kuko ay manhid
atakihin man ng martilyo at plais.
Rebulto na sa tigas ang kanilang mga bayag
anumang boltahe ng kuryente, wala nang kiliti’t sindak.
Nililinaw nila ang kanilang mga isip, pinagliliwanag
para sa anumang pusikit na alok ng pagbaliktad.
Ang kanilang mga dila ay matwid, di umuurong
gaano pa mang tukso, ulok ng pagsusuplong.
Bibiguin ka nila, Jovi. Bibiguin!
Anong tamis ng timpla ng kanilang kasinungalingan.
Yao’y pantapat sa mapait na balang inasukalan.
Ay! Ang ala-ala ng panginoong iyong pinaglingkuran
Renda sa kanilang takot, nagmamaliit sa imbing pagpaslang.
Iyo na, Jovi, ang hukay! Kanila na ang saya!
Nanaig na ang kanilang sigaw sa iyong singhal.
Kawasa’y muling ililiyad ang kanilang dibdib
Alab ng paniningil ang doo’y nasasabik
Tagdang suhay sa kanilang leeg, batok at tadyang
ang muling pagpipiging sa pagbangon, paglaban.
Ramdam na nila ang pagsikad ng kanilang binti
Umang na ang daliri, buo ang bayag, handa ang sarili
Nangaghahanap. Itak man o baril para maghiganti
Gaano na lamang ang alok mong kamatayan, Jovi?
Ang diwa at dila pa ba nila ang iyong maisadlak?
Ngising-aso ka man sa TV, kanila ang huling halakhak!
10 Agosto 2006
Camp Vicente Lim
Inilathala ng Bulatlat