Ang Human Security Act, Kalayaang Akademiko, at ang Tumitinding Terorismo ng Estado

Ang disenyo ng panunupil ay dalawa:

1) Una, ang nakakatakot na ginagawang pagdudukot, pag-salvage o pagtumba sa mga mulat at organisadong pwersa ng mamamayan na legal na gumaganap sa pampulitikang larangan. “Dirty tricks” ito sapagkat ginagamit ang pribatisasyon ng “counterinsurgency”, noon sa paggamit ng civilian guards, vigilante groups at paramilitary units. Ngayon, ang mga ginagamit sa pagpatay sa mga progresibo ay mga naka-motorsikong “death squads”. Marami rin ang dinudukot at winawala tulad nina Jonas Burgos, Karen Empeno at Sheryl Cadapan, ang dalawang huli na kapwa mag-aaral ng U.P. na nasa “fieldwork research.” Natural, sasabihin ng militar at pulisya na wala silang kinalaman dito at iniimbistiga ang kaso. Nakakasuya pang nagmamalinis ang AFP at PNP, dahil matapos nilang bansagan ito sa publiko na mga “kaaway ng estado” (Enemy of the State), ay biglang pinapaslang ang mga dine-demonize nilang mga magbubukid, pati obispo, pari, abogado, estudyante, propesyonal , at titser. Tanging “kasalanan” ng mga biktima ay ang makisangkot sa interes ng mahihirap at api — lahat ay legal ang istatus at nagtutulak ng reporma sa payapang pamamaraan.

2) Ang ikalawang bahagi ng disenyo ng panunupil ay ang paggamit ng mga represibong mga batas at dekreto (at pati ang korte) sa umiiral na sistema. Ang mga naunang halimbawa ng mga represibong mga batas ay akin nang nabanggit. Ilang beses na rin sinubukan gamitin ito kamakailan, tulad ng mga sumusunod:

* Calibrated Pre-Emptive Response (CPR) – para ipagbawal ang mga rali o protesta matapos mabuko at mabunyag ang Garci tapes;

* Executive order No. 464 – para hindi maka-testigo sa mga imbestigasyon ng Kongreso ang mga opisyal ng pamahalaan na gustong magsabi ng katotohanan dahil sa konsiyensiya at maging “whistle blowers”;

* Proclamation 1017 (State of Emergency) – para makulong ang mga nagpoprotesta at takutin ang oposisyon sa pamamagitan nitong proklamasyon na halos kinopya sa 1972 martial law proclamation 1081 ni Marcos;

* General Order No. 5 – para supilin ng militar ang konstitusyonal na karapatang sibil ng mamamayan sa dahilang mayroon diumanong “lawless violence” at “acts of terrorism” na nagaganap sa bansa.

Inaatake ng mga dekretong ito ng ehekutibo hindi lamang ang mga progresibong organisasyon at inibidwal na nasa oposisyon, kundi higit pa sa lahat, inaatake nito ang 1987 saligang batas.

Ginamit ang mga ito para legal na supilin ang mga mapayapang protesta ng taumbayan at upang ipakulong ang mga progresibong kinatawan ng masa sa Kongreso tulad ng party-list na organisasyon ng Bayan Muna, Anakpawis, GABRIELA, atbp.

At naririto ngayon ang Terror Act – ang pinalabok sa pangalang “Human Security Act of 2007”. Tila ginaya ito sa sariling Terror Act ng Estados Unidos, na pinalabok na “Patriot Act”. Marahil, ito ay tinulak ipasa ng pamahalaan Arroyo upang sumakay sa global anti-terror campaign ni George Bush at madagdagan ang hinihinging dagdag sa U.S. military assistance na lumobo na nga nang 1,500 porsyento mula 2000 hanggang 2007.

Hindi na kailangan pang tuwirang ideklara ang batas militar sa pagsikil nito sa karapatan at kalayaan ng taumbayan. Unti-unti ngayon pa lamang, ang pagsakal at pagsikil sa kalayaang sibil ay iginagapang sa pagpapatupad sa Human Security Act o Terror Act. Magiging daan ang Terror Act para ibalangkas ang pagwasak sa mga pinaka-mahalagang mga probisyon ng 1987 Constitution ng Republika ng Pilipinas. Maraming dugong ibinuhos para makamit ang mga ipinunlang probisyon ng Konstitusyon. Hindi ba natin nahahalata na ang ating mga matagal nating ipinaglabang karapatan sa EDSA 1 at EDSA 2 ay ganoon na lamang nilalabag ng Terror Act? Sa totoo lang, kahit sinasabing para sa paglaban sa terorismo ang batas na ito, sino nga ba ng tine-terrorize ng batas na ito kundi ang mamamayan! Labag ito sa karapatang sibil, labag ito sa diwa at probisyon ng Saligang Batas.

Bakit daw ba kailangan ang Terror Act?

Una, ayon sa mga proponents nito, kailangan ang espesyal na batas para harapin ang suliranin ng sinasabing “terorismo”, na dagdag pa sa mga kasalukuyang batas tulad ng Revised Penal Code.

Sa totoo lang, sapat na ang mga parusang ipinapataw ng Revised Penal Code laban sa mga teroristang krimen tulad ng kidnapping, murder, destruction of public and private property, atbp..Ang pagkakaiba dito sa Terror Act ay ang pagsangkot sa anumang pampulitikang gawain, o paniniwala ng mga tina-target na indibidwal o organisasyon. Sa pinalawak na depinisyon ng “terorismo” sa ilalim ng Terror Act, isang gawaing “terorismo” ang aking mga sinasabi ko sa inyo ngayon sa Forum na ito. Ganito ang sinasabi ng Terror Act: “Any person who commits an act…thereby sowing and creating a condition of widespread and extraordinary fear and panic among the populace, in order to coerce the government to give in to an unlawful demand shall be guilty of the crime of terrorism.”

Share This Post