Ni ROLAND G. SIMBULAN
“In his defence of the religion and customs of Islam against the priests of Spain, the Moro set a new historical precedent. He survived. His religion survived. The Mayas, the Aztecs and the Incas fell before the Toledo steel of the Spaniards, and their language and institutions perished with them…their temples were destroyed and their literature burned by over-zealous bishops of the Romish church.
Not so with the Moros; sturdy and intact, their religion still flourishes on the shores of Sulu. The conquistadores came, fought vainly, and retired. The Moros remain. As fighting men, they take first rank in the pages of martial history. It is as fighting men that we should judge them.”
– Vic Hurley, “Swish of the Kris: The Story of the Moros” (1936/2010 edition)
ISA SA PINAKAMALAKING IMBENSYON ni Rodrigo Roa Duterte noong 2016 eleksyon para presidente ay ukol sa sinabi niyang meron siyang mga ninunong Moro na Maranao. Ito ay pinasinungalingan ni Earl Parreno, na may-akda ng pinaka-komprehensibong talambuhay ni Duterte. Sa kanyang aklat na pinamagatang “Beyond Will and Power’, ininterbyu ni Parreno ang halos lahat ng mga kamag-anak ni Duterte pati matatandang kamag-anak ng ama at ina niya, at ni isa ay walang nagsabi na siya ay may dugong Maranao o Moro. Sa katunayan, tubong Leyte at Cebu ang magkabilang pamilya ng kanyang ama at ina.(Parreno, 2019) Ang imbensyon na ito na pinalaganap noong 2016 kampanya ay marahil ginawa upang gamitin ang hinahangaang katapangan at kabayanihan ng mga Moro na binanggit ni Vic Hurley sa kanyang aklat, Swish of the Kris.(Hurley, 1936) Sa kanyang 2016 na pangangampanya para presidente dinetalye pa ni Duterte na ang kanyang lola ay Maranao at meron daw siyang mga apo na Tausug! (MindaNews, May 15, 2016) Inihabol pa rito ang isa pang walang-katibayang imbensyon ng alalay ni Duterte na si Bong Go na si Lapu Lapu ay isang Tausug na pinadala ng Sultan ng Sulu upang harangin ang mga Kastila sa Mactan. Kaya ang pinapahiwatig ni Bong Go ay, kung si Lapu Lapu ay Moro, gaya ng ibinibida ni Duterte para sa sarili, sila ay matatapang. Parehong imbensyon ng mga pulitikong gustong umangkas sa katapangan ng Moro.
Ngayong 2021 selebrasyon natin ng Araw ng Kalayaan, sa taon ng Quincentennial o 500 taon mula nang dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, bakit tila hindi natin kinikilala ang MATAGUMPAY NA PAGDEPENSA ng ating kababayang Moro at Katutubong Pambansang Minorya para sa lupaing ninuno at kalayaan? Ito marahil ay dahil ang ating kinikilalang naratibo ay puno pa rin ng dominanteng naratibo ng mananakop. Binubulag tayo sa naratibo nila na ang 1521 ang pinaka-suwerteng pangyayari sa ating kasaysayan sapagkat tayo’y nabinyagan ng Kristiyanismo at nakatikim ng sibilisasyon na dala ng mga Kastila sa ating kapuluan. Nakakalimutan natin na ang relihiyon ay ginamit na sandata sa “ispiritwal na kolonisasyon” upang mahati tayo at upang mapalakas ang dominasyon ng Espanya sa ating mga komunidad. Sinakop nito ang ating mga isip (at kaluluwa) upang huwag hamunin ang pang-aapi, maging tapat sa Espanya at ituring na mga pirata ang mga lumalabang mga komunidad ng Moro at katutubo na di-magapi sa kanilang pakikibaka laban sa kolonyalismo. Ang kumbersyon sa relihiyon ng Espanya ay mistulang naging bahagi ng kolonyal na pasipikasyon ng ating mga komunidad at kapuluan.
Lalo na sa mga tinarget na “kaaway” na Moro, ang imaheng ipinalaganap ay mga masasamang tao sila, mga ‘Juramentadong’ nagwawala at amuk, “feroces” na “hereje” at mga pirata at bandido.(Ugarte, 1992) Nakakalungkot nga na ang opisyal na pagdiriwang ng Quincentennial ay nagmamaliit sa matagumpay na pakikibaka ng Moro at Katutubo. Tila tinatanggap at pinagdiriwang din – na walang kritikal na pananaw – ang Kristiyanismo bilang ispiritwal na kolonisasyon at instrumento ng pananakop sa ating kapuluan. Di ba tayo sinakop ng Kastila gamit ang kanilang mga espadang gawa sa Toledo at kanilang mga Krus? Ang kumpletong istorya ay hindi lahat ng ating komunidad ay nasakop sapagkat naharang ang dayuhang mananakop ng mga Kris, Kampilan at Lantaka ng mamamayang Moro. Ang pinagyayabang na “Sword and the Cross” na pananakop ay sapilitang kilalanin ang hari ng Espanya bilang “vice real patron”. Dahil, binasbasan daw ng Diyos upang mamuno ang hari ng Imperyo. Ngunit ito’y hindi tinanggap ng maraming nanatiling malalayang komunidad ng Moro at katutubo. Pagkat naging matagumpay silang lumaban sa dayuhang mananakop. Kayat ang istorya ng Moro at katutubo ay istorya ng tagumpay sa pagdepensa sa katutubong lupa, kalayaan at kabihasnan.
Ugat ng Islamophobia
Panahon na upang alamin natin ang ugat ng tunggalian at hindi pagkakaunawaan sa matagal na panahon ng mga Muslim at Kristiyano sa ating bansa. Pangunahing layunin ng sanaysay na ito na kilalanin ang makasaysayang pakikibaka ng Moro. Binibigyan din natin ng pagpupugay ang kanilang mga malalayang komunidad na matagumpay na lumaban sa buong panahong kolonisasyon ng Espanya sa Pilipinas mula 1521 hanggang 1898.
Noong ika-16 na Siglo, sinakop ng mga Kastilang kolonisador ang Visayas at Luzon, ngunit hindi nila masakop-sakop ang Mindanao na kontrolado ng mamamayang Moro. Gayundin ang ilang mga erya ng Luzon at Visayas kung saan naninirahan ang mga katutubo. Sa mga lugar na kanilang matagumpay na sinugpo at sinakop, ang mga Kastila ay nagpalaganap ng isang uri ng sistemang diskriminasyon na nagkakategorya sa mga tao sa ating kapuluan bilang negritos, Indios, Mestizo de Sangley at Mestizo de Espanol. Habang ang mga hindi nila masakop na Muslim ay tinaguriang mga “Moro”.
Ipinatupad sa Pilipinas ng Espanya ang kaparehong mga kolonyal na patakaran na ginamit nila sa Central at South America, na may isang sentral na kolonyal na administrador -ang Gobernador-Heneral sa Pilipinas. Sa dekretong El Requerimiento ng 1531, ang mga nasa islang kolonyal ay kinailangang mabinyagan sa Katolikong pananampalataya o may kaparusahang na magiging mga alipini o hahatulan ng kamatayan kung lalaban. Ang mga ekspedisyong militar ng Kastila ay kanilang sinabayan ng mga misyong pangrelihiyon na gamit ang Doktrinang Regalian upang ideklara na ang mga lupain at mga taong di-Kristiyano ay gagawing pagmamay-ari ng Hari ng Espanya. (Guingona, 1981)
Ang pundamental na batayan ng mga ganitong kolonyal na patakaran ay ang Papal Bull ni Papa (Pope) Nicholas V, ang “Dum Diversas”( Hunyo 18, 1452), na nagbigay ng basbas sa mga Kristiyanong Kaharian sa Yuropa, simula sa Portugal at Espanya, ng “ganap at malayang kapangyarihan at karapatan na maghanap, magdiskubre, sakupin at gapiin ang lahat na tinawag nitong mga “kaaway ni Kristo.” Ang Ediktong ito ay nagbigay pa ng direktiba sa mga Yuropeong kaharian na “pamunuan ang mga kaaway ni Kristo at isailalim sa kanilang
paghahari at pananakop.” Bukod dito, ang iba pang direktiba o Papal Bulls mula sa Vatican ay ang Romanus Pontifex (ni Pope Nicolas V, 1455), at ang Inter Caetera (ni Pope Alexander VI, 1493), na naglinaw pa sa patarakang ito ng pandaigdigang pananakop at habang-buhay na pang-aalipin sa ngalan ng Diyos. Ang mga Papal Bulls na ito na naging ubod ng pandaigdigang batas sa Yuropa, ay patuloy pa ring itinuturing na ginagamit o kinikilala ng mga batas sa Amerika, Canada, U.K. at Australia, bilang Doctrine of Discovery, o ang Regalian Doctrine ng ilang bansa para sa pagresolba sa mga isyu ng lupang ninuno.
Ang “Dum Diversas” ay pinalaganap ng Vatican sa paniniwalang ang mga Kahariang Kristiyano ng Yuropa ay ang mga bagong “piniling mamamayan ng Diyos”, at ang bagong “Promised Land” ay ang Hindi-pa Kristiyanong parte ng mundo. Ayon din dito, ang mga bagong piniling mamamayan ng Diyos ay kinakailangang sumunod sa bagong Covenant: na ang buong hindi-pa-Kristiyanong mundo ay tungkulin nilang sakupin at ipasailalim sa doktrinang Kristiyano habambuhay. Gayundin, ang lahat ng masasamsam nila sa gera at prutas ng tagumpay ang siyang magiging gantimpala sa kanila ng Diyos. Para ipatupad ito, ang Korona ng Espanya ay nagpalabas ng El Requerimiento 1531 na nagsuma ng Papal Bull. Ito ay binasa sa mga tao bago lumarga ang kanilang mga ekspedisyon para sa pananakop.(Scott, 1972)
Pangunahin sa mga patakaran ng Espanya sa pagpapatupad ng Papal Bull na ito ay ang kanilang brutal na sistemang Encomienda. Sa katunayan, sa unang 30 taon ng okupasyon ng Espanya sa ating kapuluan, halos 35 porsiyento ng populasyon ay namatay dahil sa mga karahasan at sakit na dulot ng mga Kastila. May isang pagtantiya na nagsasabing halos 50 porsiyento ng populasyon noong 17th Siglo ang napinsala, at ito ay naka-rekober lamang nang alisin ang sistemang Encomienda. Mga mapang-aping kolonyal na patakaran ay pinatupad tulad ng Polo y Servicio o sapilitang pagtatrabaho, at ang sistemang Bandala na nagpumilit sa mga magsasaka na ibenta lahat ng kanilang sobrang ani sa mga Kastilang awtoridad sa napakababang presyo.
Ang Islam sa Pilipinas
ANG PAGDATING NG ISLAM sa mga pulong dagat ng Southeast Asia ay nagsimula noong panahong tinaguriang “Golden Age” ng Islam. Sa panahong ito, maraming Muslim sa iba’t ibang Arabong bansa at hilagang Aprika ay nagkaisa at napaatras at napalaya nila ang maraming lupain na kontrolado ng imperyong Romano at Persian, at isinailalim sa kontrol ng mga Muslim na caliphates (sa imperyong Umayyad at Ottoman). Na-kontrol nila ang mga pandaigdigang daungan na ginagamit ng mga mangangalakal na taga-India sa matagal na panahon. Ang mga Arabong mangangalakal ay siyang kumontrol ng istratehikong daungan ng India sa Malabar sa Timog-Kanlurang bahagi ng India. Mula sa Malabar, ang mga mangangalakal na Muslim at misyonero ang lumuwas sa mga pulo ng Southeast Asia pati ang mga pulo ngayon ng Pilipinas. Ginamit nila ang kaparehong ruta na ginamit ng mga mangangalakal na taga-India na galing Malabar.
Umugat ang Islam sa Malaysia at Indonesia noong ika-12 Siglo nang ang Hari ng Kedah na dating Hindu ay nagpalit ng pananampalataya sa Islam. Iba pang mga kumbersyon sa Islam ang sumunod mula sa mga pamilyang royal sa Malacca at Sumatra noong 1267.(Sarangani, 1977)
Mula roon, kumalat ang Islam sa Brunei at Sulu at sa malawak na isla ng Mindanao sa huling kwarter ng 13 Siglo. Inuugat ng Sultanato ng Sulu sa pagiging hari ni Rajah Baginda sa kalagitnaan ng 15 Siglo, at ang pag-aasawa niya ng galing sa angkan ng mga Tausug. Naging manugang na lalaki ni Baginda si Sharif-ul-Hashim Abubakar na naging unang Sultan ng Sulu noong 1451. Ito ay halos isang daang taon bago sinakop ng Kastila ang ating kapuluan. At bandang 1500, nang ang Brunei ay namahala sa pamumunong Islam sa mga isla ng Southeast Asia, ang kumbersyon sa Islam ay umabot sa ilang dalampasigang mga lugar ng Luzon. Ang Sultanato ng Maguindanao ay tinatag sa unang dekada ng Ika-16 dantaon ni Sharif Mohammad Kabungsuan. Ang Sultanato naman ng Buayan (sa mga lugar ngayon ng General Santos at Hilagang Cotabato) ay sumunod sa pagkatatag at naging malapit sa Sultanato ng Maguindanao lalo na sa panahon ni Kudarat. Ang kumbersyon sa Islam ay mapayapa at nagdulot ito ng kaginhawaan dulot ng pandaigdigang kalakalan gamit ang “Silk Road” na kapwa kontrolado ng Tsino at Arabong Muslim. Hindi kailanman nakontrol ng Espanya ang kalakalan sa Mindanao dahil sa mga walang tigil na reyd ng Moro na umabot sa Luzon at Visayas.
Ang Moro
ANG TERMINONG MORO, mula sa salitang Moors, ay sinimulan gamitin ng mga taga-Iberian Peninsula sa Espanya at Portugal para tukuyin ang mga Muslim na sumakop sa kanila ng halos 800 taon sa ilalim ng Umayyad Caliphate. Ang Moors ay tinawag din na Saracens ng mga Papa ng Vatican na nagpasimuno ng Holy Crusades. Ang terminong Moors ay walang etnolohikong halaga o kahulugan dahil ang mga hukbong Muslim na sumakop sa mga Kastila ay galing sa mga mamamayang Berber ng North Africa (kasalukuyang Morocco) , mga Aprikanong Black at Arabo. Ang Moors ay hindi nahirapan sa paglawak sa mga dating teritoryo na bahagi ng imperyong Roman at Persian dahil kusang niyakap ng populasyon ang Islam.
Nang dumating ang mga Kastilang konkistadores sa ating kapuluan, na-engkuwentro nila ang maraming mamamayan na yumakap na sa pananampalatayang Muslim at tinawag silang “Moros”. Pinangalanan sila sa mga matinding kaaway ng mga Kastila, ang Moors na sumakop sa Timog na bahagi ng Espanya. Sa Luzon, tatlong mga kahariang Muslim ang naratnan ng Kastila sa Maynila: Manila, Tundo at Namayan. Dahil hindi pa malalim ang pagkaugat ng Islam sa mga komunidad na ito at hindi pa malakas ang kanilang hukbo, ang mga ito’y dinurog at sinakop ng Kastila para gawing sentro ng kolonyal na pamamahala ng Espanya sa Pilipinas.
Noong Digmaang ng Moro laban sa kolonisasyon ng Espanya, ang salitang Moro ay isang mapanirang-puring termino na ginamit laban sa lahat ng Muslim mula Mindanao at Sulu. Parang bandido o terorista sa kasalukuyan. Sapagkat ito ay inugnay sa pagiging pirata, pagnanakaw, reyd para kumuha ng aliping-bihag (slave raid) at patraydor na pananalakay sa mga Kristiyano. Ito ay dahil sa kahusayan ng mga Moro na epektibong biguin ang mga ekspedisyong military ng Kastila. Depensibo-opensibo ang taktika ng Moro sapagkat ang bawat ekspedisyong militar ng Kastila laban sa kanila ay sinabayan nila bilang pagganti, ng mga atake laban sa mga malalaking kampo ng Kastila na kinabibilangan ang Maynila, Gitnang Luzon, rehiyong Ilokos, Bikol at sa mga isla ng Bisayas.( Reid, 1984; Admad, 1982; Nguyen, 1994; Mallari, 1986) Ang mga naninirahan sa Luzon at Visayas na nasakop ng mga Kastila sa ilalim ng sistemang Encomienda ay natutong matakot, magalit at kamuhian ang Moro sa pag-atake nito sa mga Kastila. Pauna na rito ang masamang hatol ng mga Kristiyanong indio(Filipino) laban sa Moro ay pinairal ng mga pangkulturang palabas sa panahon ng Kastila tulad ng dulang “Moro Moro”. Ang dulang ito ay pinapalabas sa mga paaralan, at sa mga piyesta sa bawat bayan ng buong Pilipinas na sakop ng Kastila. Dito sa dula sa entablado, nag-eespadahan ang Kristiyanong nakaputi at Morong Muslim na nakaitim. Laging panalo siyempre ang Kastila, tulad ng mga inaasahan ng mga nanonood na lalong magagalit sa mga Muslim. Tinanim sa mga ganitong kultural na palabas ang masamang imahe ng Moro sa mata ng mga Kristiyano.
“Stockholm Syndrome” sa Hanay ng mga Kristiyanong Pilipino
Nang sakupin ng mga Kastilang konkistador ang malawak na parte ng Luzon at Visayas, ang populasyon ay nakaranas ng “captive bonding”, at nagsimulang maging tapat sa kanilang mga mananakop na Kastila. Ang tinatawag na “Stockholm Syndrome” (pagmahal sa mananakop) ang siyang lumaganap sa sikolohiya ng mga Pilipinong Kristiyano na sakop sa pisikal at kaluluwa ng mga Kastila. Ang labanan sa pamamagitan ng kanilang mga mananakop (mga Kastila) at ang Moro at natutunan nilang tanggapin bilang proteksyon sa kanila ng kanilang mga mananakop. Di nagtagal, natuto silang magboluntaryong tumulong para i-depensa at ipagtanggol ang mga Kastila. Ang ganitong penomenon ng “captive bonding”, na isang sikolohikong ugali sa ebolusyon ng tao upang matirang buhay, ay tinatawag nilang “Stockholm Syndrom”. Ayon sa mga siyentipiko, ang ganitong penomenon ay maoobserba sa mga inaalagaang mga hayop, lalo na mga aso.
Parang Krusada sa Yuropa
Malalim kasi ang galit ng mga Kastila sa Muslim. Ang mga kahariang Yuropa noon ay pitong beses na naglunsad ng mga Krusada o Holy Wars mula 1095. Binasbasan ang mga ito ng mga Papa ng Vatican upang lusubin ang Gitnang Silangan at makuha ang Jerusalem. Madugong madugo itong mga Krusada na ito sapagkat ang mga ayaw maging Kristiyano na mga bihag na Muslim – sibilyan man o mandirigma – ay walang awang pinaslang ng mga sundalong Kristiyano sa Krusada. Siyam na beses din na pinaatras ng nagkakaisang hanay ng mga pinagsanib na puwersa ng mga kaharian at tribong Muslim o yung mga binansagang Saracen na mga Arabong Muslim. Ang kontra-opensibo ay nangyari lalo na sa pamumuno ni Saladin na matagumpay na pinagkaisa ang halos lahat ng Arabong Muslim laban sa hukbong Krusada.
Natigil lamang ang mga Krusada nang magdesisyon ang mga puwersa ng Muslim na tumawid ng Mediterranean mula sa Hilagang Aprika at lusubin at sakupin ang halos kalahati sa timog ng Espanya. Ginamit nila ang estratehiyang ang pinakamabisang depensa ay ang opensibong pagsalakay (“the best defense is an offensive attack”), at ito nga ay napatunayang epektibo dahil mula noon ay natigil ang mga Krusada ng mga taga-Yuropa na umaatake sa Gitnang Silangan. Ang taktikang ito ay mapapansing ginamit din sa Mindanao ng mga Moro laban sa Kastila sa pamamagitan ng mga atake nila na umaabot sa mga base-militar ng Kastila sa Bikol, Ilokos at maraming bahagi ng Bisaya. (Mallari, 1986; Nguyen, 1994)
Bahagi ng digmaan sa larangang kultural ng mga Kastila ang masamang imahe na itinanim sa isip at kamulatan ng maraming Kristiyang Pilipino na taga-Luzon at Bisaya ukol sa mga kapatid nating mga Muslim na taga-Mindanao. Sa panahong kolonyal, gumamit ang Kastila ng iba’t ibang porma ng diskriminasyon laban sa Moro sa pamamagitan ng edukasyon at kultura. ( Tawagan 1987; Tuazon, 2008)Tandang tanda ko pa noong bata pa kami sa aming probinsiya sa Betis, Guagua, Pampanga sa labas ng aming simbahang Katolika, ay may malaking istatwa ng isang nakaputing Kristiyano na nakasakay sa kabayo na nakikipag-espada sa isang nakaitim na Muslim sa ibaba. Pati kabayo ng Kristiyano ay puti. Hanggang ngayon, andoon pa ang istatwang iyon sa harap ng simbahan sa Betis, Pampanga. Noong mga bata pa kaming lumalaki sa Baguio noong 1960s, nakikita kong naka-display sa Melchor Hall lobby ng Philippine Military Academy (PMA) ang isang Pilipinong sundalong Igorot na naka-yunipormeng Philippine Constabulary(PC) na bina-bayoneta ang isang nakadapang Morong mandirigma na hawak ang isang espadang Kris, habang nasa likod ng sundalong PC ang larawan ng Amerikanong Governor General na si Francis Harrison na naka-ngiti. Itong mga imaheng ito ang maagang nakintal sa akin ukol sa mga Muslim at Moro sa Pilipinas.
Itong istatwa at ang moro-morong dula ay bahagi ng propaganda ng mga Kastila laban sa mga Muslim sa Mindanao na hindi nila masupil at hindi mapailalim sa kanilang kolonya sa Pilipinas. Pinalalim pa ang masamang kahulugan at propaganda laban sa Muslim na Moro na kalaban ng mga Kastila sa pamamagitan ng katagang “Moro-Moro” na hanggang sa ngayon ay ibig sabihin ay manloloko/mapagkunwari at mapanlinlang. Sa propagandang ipinalaganap, sila ay masamang kalaban ng Kristiyano.
Bilang panangga at depensa sa pag-atake sa kanilang lupang hinirang, pananampalataya at kabihasnan, sumibol sa Moro ang kulturang “Jihad” o prang sabirulah na may kahulugang “lumalaban hanggang kamatayan para kay Allah” (Saber,1986) Ito marahil ang paliwanag kung bakit tila hindi natatakot mamatay sa labanan ang mandirigmang Moro at naging bahagi ng kanilang kinikilalang katapangan. May obserbasyon pa nga na mas pinili ng mga Moro ang kamatayan kaysa yumuko o paalipin sa dominasyon ng dayuhang mananakop.
Ang mga orihinal na lupang Moro
ANG MGA LUPANG NINUNO na dating okupado ng Moro sa buong Mindanao ay bunga ng kanilang kumbersyon sa pananampalatayang Muslim, pag-aasawa o sakop ng hurisdiksyon ng tribyut ay masasabing mga orihinal na lupaing Moro. Pati ang Manila, mga bahagi ng Gitnang Luzon at Timog Katagalugan ay dating nasa pamamahala ng tatlong nangangalakal na kaharian: ang Kaharian ng Tundo, ang Kaharian ng Maynila at ang Kaharian ng Namayan. Itong tatlo ay dating mga Hindu-Buddhist na komunidad ng manangalakal at di kalaunan ay bago lang nagkombert sa Islam. Marami ring mga komunidad sa Bisaya na nagsisimula pa lang magkombert mula Paganismo o Hindu-Buddhist patungo sa pagiging Muslim nang dumating ang Kastila. Dahil sa malawak na pandaigdigang kalakalan at pangkulturang inter-aksyon sa kanyang mga Asyanong kapitbahay, ang ating kapuluan ay masasabing lugar na inabot na ng globalisasyon, pati ng mga komersyanteng galing Yuropa.
Ngunit ang sentro ng Moroland ay nasa malaking pulo ng Mindanao at Sulu kasama na dito ang Palawan at Basilan. Ang mga nagkawil sa lahat ng Moroland ay ang tinatawag na “thalassocracy”- isang lipunan at sistemang batay sa pandagat na gawain, laluna ang pangangalakal gamit ang dagat, na sinimulan noong mas maagang sibilisasyon ng Hindu sa buong rehiyon.
Digmaang Moro-Kastila
Ang mga Digmaang Moro-Kastila ay mga digmaan para ipagtanggol ang mga lupang Moro laban sa pananakop ng mga dayuhang kapangyarihan. Sasakupin ng sanaysay na ito ay ang unang yugto lamang ng tinaguriang “Moro Wars” sa panahon ng mga Kastila mula 1521 hanggang 1898. Ang ikalawang yugto ng mga kolonyalista na “Moro Wars” noong panahon ng kolonyal na okupasyon ng Amerika 1899-1946 ay di ko isinama sa sanaysay na ito.
Sa panahon ng kolonyalismong Espanya sa ating kapuluan, tatlo ang pangunahing Sultanatong piyudal na malalim nang yumakap sa Islam ang nakabangga ng dayuhang mananakop. Ito ang Sultanatong Sulu, ang Sultanatong Maguindanao at Sultanatong Buayan. Ang maluwag na pederasyon ng Apat na Pagampong sa Lake Lanao ay meron na ring konsolidadong komunidad, batas, kultura at pananampalataya sa Islam. Ang mga nasabing Sultanato at Apat na Pagampong ay mga pampulitikang yunit na malayang nakikipagkalakalan sa loob at labas ng Mindanao at may pagpapasiya-sa-sariling tradisyunal na estado. Ang kolonyal na pananakop ng Espanya ay epektibong hinamon ng pakikibaka ng mga konsolidadong Sultanatong Muslim sa ating kapuluan.
Sa tatlong Sultanato, ang pinaka-konsolidado at pinaka-organisadong malawak na komunidad ng Islam ay ang Sultanato ng Sulu (Tan, 2005; Southeast Asia Resource Center, 1983). Ang Sultanato ng Sulu ang naging pinakamayaman sa mga Sultanato lalo na noong 18 at 19 na dantaon, at kinaiinggitan ng sa Asya, kayat gustong sakupin ng Kastila. Aktibo at kontrolado ng Sultanato ang kalakalan sa katimugan ng ating kapuluan at meron siyang diplomatikong relasyon sa Imperyong Tsina at sa mga Sultan sa Sumatra, Malacca at Johor. Sa Tsina, kilala ang Sultan ng Sulu bilang Hari sa Silangan (East King). Ang puwersang digmaang pandagat at mga mandirigmang Tausug ay tumulong pa sa Sultan ng Brunei noong 17 Siglo na durugin ang isang rebelyon, kayat bilang pasasalamat, binigay ng Sultan ng Brunei ang Sabah (North Borneo) sa Sultan ng Sulu. Sa kanyang pinakamalakas na katayuan, sakop ng Sultanato ng Sulu ang lahat ng isla sa Sulu (na sentro) at Tawi Tawi, Sabah, Basilan, Palawan, at timog kanlurang Mindanao. Sa kanyang teritoryo, nirespeto ng Sultanato ang pananampalataya ng mga nakatirang tribong hindi Muslim tulad ng Batak, Tagbanua, Subanen, atbp..
Ayon sa mga dayuhan at lokal na iskolar ukol sa Sultanato ng Sulu, napaka-sopistikado at organisado ang burokrasya ng estado nito. Ang Sultan ng Sulu ay may kompletong kabinete sa pamumuno na namamahala bilang: punong ministro, namumuno sa sistemang hustisya, namumunong militar sa pamamahala ng mga cottas(military forts) at mga kanyon (artillery) , namumuno para sa koleksyon ng buwis, namumuno bilang Ingat-Yaman sa sultanato, namumuno pamamahala sa mga orphans, mahihirap at mga taong may kapansanan, pinuno ng pulisya, namumuno sa tradisyonal at relihiyosong batas, at isang namumuno para sa pagbibigay ng permit sa mga dayuhang barkong komersyal na pumapasok sa daungan ng Sultanato.
Kung ikukumpara sa tatlong mga Sultanato at Pangampong sa Mindanao, ang mga kalat-kalat na barangay sa Luzon at Visayas ay maliliit at mahina pa ang panlipunan at pampulitikang organisasyon sa pagka-ugat, kaya’t madaling nadurog o napag-away-awayin sa paghahati at pagsakop (divide and rule) na taktika ng mga dumating na mananakop. (Scott, 1994; Scott, 1979) At itong mga nabinyagang Kristiyanong “Indiyo” ng mga Kastila ang kanilang ginamit laban sa mapagpalayang mandirigma na Moro.
Rajah Bungsu ng Sultanato ng Sulu
Ang isa sa mga kinatatakutang Moro ng mga Kastila ay si Rajah Bungsu na lider ng Sultanato ng Sulu. (Kiefa, 1984) Noong 1609, si Rajah Bungsu ang namuno sa 2,000 mandirigma na umatake sa base militar at baseng hukbong dagat ng Kastila sa Camarines Sur at Central Visayas. Bagamat meron Tratado ng Kapayapaan noon ang Espanya at Sultanato ng Sulu, ang naging mitsa nito ay ang pagmaltrato sa sugo ni Rajah Bungsu na minaltrato ng mga Kastila habang siya ay nasa Maynila, kaya nagalit si Bungsu at ibinasura ang Tratado. Maraming beses, napilitan ang mga Kastila na makipagtratado para kapayaan sa mga Moro noong panahon ni Rajah Bungsu. Ito ay para hindi nila atakihin ng Moro ang mga puwersang Kastila o kuta.(Scott, 1984) Pinalakas ang hukbong Tausug ni Bungsu sa pamamagitan ng pagbili niya ng mga ripleng Enfield at Spencer at bala’t pulbura sa mga Tsinong mangangalakal sa Sulu. Naipamahagi din niya ang mga ripleng ito sa mga naging kaalyado niyang taga-Sultanato ng Maguindanao at Buayan.
Dahil sa isang operasyong militar ng Kastila sa Sulu noong 1628 na kinabibilangan ng 200 Kastilang opisyal ng hukbo at 1,600 sundalong “indio” mula Bisaya, pinadala ni Rajah Bungsu ng Sulu si Datu Ache noong 1629 na lusubin ang mga kampo militar ng Espanya sa Camarines, Samar, Leyte at Bohol.
Noong una, nakapagtayo ang mga Kastila ng base militar na tinawag na Fort Pilar sa Zamboanga, ngunit noong 1665, lumusob ang mga mandirigmang Tausug ni Rajah Bungsu na nagtaboy sa mga Kastila para lisanin ang kanilang kutang bato. Aktibo kasing ginamit ng mga Kastila ang Fort Pilar sa Zamboanga bilang luksuan para umatake sa Sultanato ng Sulu at mga Morong mangangalakal. Isa ring dapat banggitin ay si Sultan Badar-Uddin ng Sulu na noong 1720 ay nakipagsanib-pwersa sa Sultanado ng Maguindanao na kinabibilangan ng 3,000 mandirigma sa 104 na paraw (katutubong bapor) upang lusubin ang mga kutang Kastila sa Zamboanga. Ang paglusob na ito ay humantong sa isang Tratadong Pangkapayapaan noong Dec. 11, 1726 kung saan nangako ang Kastila na hindi mag-ooperasyong militar sa mga Sultanatong Moro. Ang mga Tratadong ito ay laging na lang linabag ng mga Kastila na gustong angkinin ang lupa ng Moro at akuin sa kombersyong Kristiyano ang mga Moro.
Halimbawa, sa kabila ng maraming mga Tratadong Pangkapayapaan ang Espanya sa Sultanado ng Sulu, naglunsad ng napakalaking opensiba ang mga Kastila laban sa Sulu noong 1876. Pinamunuan ang kampanyang militar na ito ng Gobernador Heneral Jose Malcampo na may 9,000 tropang Kastila at indio. Dinala ang puwersang ito ng 11 barkong transport, 11 pandigmang bapor at 10 mabibilis na “steamships”. Noong una, nakuha ng mga Kastila ang ilang cotta sa Sulu, pero di nagtagal, nabawi ng mga mandirigmang Tausug ang Sulu sa pamamagitan ng mga walang tigil na taktikang-gerilya. Ganito ang salaysay ng mga taktika ng
mga mandirigmang Moro:
“Hindi na nila (Moro) hinintay ang utos mula sa itaas para sa plano o organisadong paglaban, at sumusugod na lamang sila kahit saan laban sa mga Kastilang sundalo kahit saan man dumapo ito. Ang mga indibidwal o grupo ng mga sundalo ay walang pagkakataon na magpaputok ng reple dahil mula sa mga talahib ang may mga sibat na lamang na hinahagis. Pati mga nagtitinda sa palengke na may pagkakataon na umatake sa mga sundalo ay tila hindi makatiis sa pagsaksak o pagturok ng kanila kris o barong na kutsilyo-anumang matatalim na bagay. Isang manininda mula sa Lu’uk na walang sariling sandata ay nang-agaw ng sandata mula sa katabi at sinugod ang isang sundalong guwardiya. Sinusugod din nila ang mga sundalo habang sila ay nasa gubat upang kumuha ng kahoy na panggatong, at pati sa ilog habang sila’y umiinom at sa tabing dagat habang naliligo.” (Saleeby, 1963)
Ganitong uri ng pakikilaban ng Moro ang naranasan ng Espanya sa Pilipinas mula nang maglunsad sila ng pinakamaagang kampanya-militar noong 1575. Sa taong ito, inatasan ni Gobernador-Heneral Francisco de Sande si Kapitan Esteban Rodriguez de Figueroa para sugpuin ang Sulu at Mindanao. Utos ni Sande kay Figueroa:
“Ikaw ay pupunta sa mga pulo ng Sulu at Mindanao kung saan mo papaluhurin yang mga pinuno nila at kanilang mga mamamayan, upang sumunod sa ating Hari.” (Majul, 1999)
Dalawang beses na tinangka ni Figueroa na paluhurin ang Moro ngunit hindi siya nagtagumpay, at noong 1596, sa labanan sa bunganga ng isang ilog sa Cotabato, siya ay napatay sa engkwentro sa pangkat nila Datu Ubal. Dito natapos pansamantala, ang mga naitalang unang malakihang operasyong militar ng Kastila sa Mindanao.
Sultan Kudarat ng Maguindanao
Biniyaya ng isa pang mahusay na lider ang Moro sa katauhan ni Sultan Kudarat o si Qudratullah Katchil Sultan, 1619-1671. Lumaki si Kudarat sa panahon na ang Digmaang Moro ay nagaganap na. Sa mga mas maaga pang sagupaan ng Moro at Kastila, ginagamit na ng Moro ang prinsipyong, ang pinakamabisang depensa ay opensiba laban sa mananakop. Noong pang 1599, si Datu Salikula ng Sultanadong Maguindanao at Datu Sirungan ng Sultanadong Buayan ay naglunsad ng pinagsamang puwersa laban sa mga malalaking kutang Kastila sa Central Visayas. Ang kanilang pinagsamang lumusob na puwersa ay 3,000 mandirigma sa 50 paraw (barkong katutubo). Noong 1602 hanggang 1603, sina Datu Buisan ng Maguindanao at Datu Sirungan ng Buayan ay, sakay ng 145 paraw ay namuno sa malaking puwersang Moro na lumusob at nakasalakay ng matagumpay sa Dulag, Leyte. Dito sa Dulag, nagtalumpati si Buisan sa harap ng mga datu ng Leyte at inudyok silang lumaban sa mga dayuhang Kastila na nagkolonisa sa ating kapuluan at nagbubura sa ating kultura’t kabihasnan.
Si Kudarat, na anak ni Buisan ay naging Sultan ng Maguindanao noong 1619. Tulad ng nabanggit, bago sumikat si Sultan Kudarat, ang Maguindanao Sultanate ay walang-tigil nang lumalaban sa mga Kastila at nag-oopensibo laban sa mga kuta ng Espanya sa Bisaya at Luzon. (Billman, 1960; Hurley, 1936; Madale, 1976)
Noong una, sinimulan at sinubukan ni Sultan Kudarat na mamuno sa pamamagitan ng mapayapang ugnayan sa mga puwersang Kastila. Meron na siyang isa Tratadong Kapayapaan sa mga Dutch (Netherlands), at gusto rin niyang gawin ito sa mga Kastila. Ngunit nang kumpiskahin ng mga Kastila ang mga ginto’t pilak ng mga mangangalakal ng taga-Maguindanao sa Maynila, hindi na pumayag si Kudarat na makipagnegosasyon. Pinagkaisa ni Kudarat ang mga Muslim bilang isang makapangyarihang puwersa laban sa Kastila. Para rito, nagsimula siyang kumilos sa Maguindanao, kung saan niya inayos muna ang mga internal na away at alitan mga mga lokal na lider. Napagbigkis niya sa kanyang inisyatibo ang mga datu ng Buayan, Sangil at ang kooperasyon ng Sultanato ng Sulu. Kaya noong 1634, nagkaroon ng pinagsanib na pag-atake sina Kudarat at Rajah Bungsu ng Sulu na sumalakay ng Dapitan, Leyte at Bohol sa sentral Bisaya, na may pinagsanib na bilang na 1,500 mandirigma.
Si Sultan Kudarat ay may bisyon na pinagtibay ng kanyang di-pangkaraniwang talento sa diplomasya at organisasyon. Ito ay kanyang ginamit upang palakasin ang puwersang Moro laban sa mga Kastila. Magaling siya sa pakikipag-alyansa sa mga kapwa Moro at kahit sa mga maliliit na tribong Lumad sa Mindanao. Ito ay ang talentong may pagkaunawa sa mga away ng mga sultan at datu sa isa’t isa. Nakuha niya ang kumpiyansa at respeto ng mga importanteng lider ng mga Moro noong panahong iyon. Ang kanyang panlabang hukbo ay binubuo ng mga independenteng armadong puwersa at grupo na binuo at pinamunuan ng mga lider ng ibat ibang tribong “clan” o angkan. At noong 1632, pinakasalan ni Kudarat ang anak ni Sultan Mawallil Wasit Bungso (1610) ng Sulu, pinagkaisa niya sa isang nagkakaisang prente ang Sultanata ng Maguindanao at ang makapangyarihang Sultanato ng Sulu. Nakatulong din kay Kudarat na ang isa pang anak na babae ng Sultan Bungso ng Sulu ay naging asawa ni Rajah Balatamay na noo’y Sultan ng Buayan. Obserbasyon ni Majul na, nagkaroon ng “pinagbigkis na ninuno”( integrated genealogies) ang mga Sultanatong Sulu, Maguindanao at Buayan dahil dito.(Majul,1966) Ang alyansang ito ay nagbigay kay Sultan Kudarat na magtayo ng isang hukbo na binubuo ng 1,500 mandirigma na nagkonsentra ng kanilang mga operasyon laban sa puwersang Kastila sa Dapitan, Leyte at Bohol. Ginamit niya ang taktikang, “ang pinakamahusay na depensa ay ang pagiging nasa opensibo.” Noong 1627, Si Sultan Wasit, na ngayo’y kaalyado ni Kudarat, ay namuno ng 2,000 mandirigmang Tausug na umatake at nagwasak sa isang malaking daungan ng mga barkong pandigma Kastila sa Camarines Sur. Dito, nasamsam nila ang maraming malalaking mga kanyon, mga sari-saring baril na mahahaba at pistola at napakaraming amunisyon.
Sa isang naitalang talumpati na nagbigay inspirasyon sa kapwa Moro, sinabi ni Sultan Kudarat:
“Kapag tayo ay susuko sa mga Kastila, makakalimutan natin ang ating kalayaan na ipinamana sa atin ng ating mga ninuno. Ibebenta natin ang sarili sa pagkaalipin sa kanila upang magsilbi sa mga dayuhan. Tingnan ang mga rehiyon na sumuko sa mga dayuhan. Tingnan ang kanilang kahabag-habag na buhay. Nakakaawa ang kundisyon ng mga Tagalog at ng Bisaya na kahit mga pinuno ay pinagbabalisakan ng mga Castillian. Magtulungan tayo sa pakikilaban sa kanila. Ang lahat ng lakas ng aking Sultanato, pinapangako ko sa inyo, ay gagamitin natin upang kayo ay ipagtatanggol.” (Majul, 1999)
Ang Gobernador-Heneral ng Espanya noon sa Pilipinas na si Sebastian Hurtado de Corcuera ang nagpadala ng mga malalaking ekspedisyon laban sa mga cotta (o kutang militar) ni Kudarat noong 1637 at 1640 sa Lanao. Ito ay may layuning mag-kolonisa at kombersyon sa Kristiyanismo. Tinawag itong mga “kampanyang militar at ispiritwal” ng mga Kastila. Si Kapitan Francisco de Atienza at ang Portuges-Recollect na paring si “Padre-Capitan” Fray Agustin de San Pedro ay magkasamang namuno sa isang ekspedisyon. Ang mga Kastila ay sinamahan ng maraming ni-rekrut na “indio” na taga-Maynila, Bohol, Panay at Kristiyanong taga-Zamboanga. Maraming mga mandirigma si Sultan Kudarat ang pinili pa ng kamatayan na lumalaban kaysa mabihag ng mga dayuhang kaaway. (Saber, 1979) Lalo na noong 1640, tinangka ng mga Kastila ng magtayo ng garison sa Lake Lanao ngunit sila ay tinaboy sa mga dalampasigan (coastal areas) at ang kanilang mga itinayong instalasyon ay sinunog kayat naging malaya ang mga pangampong (komunidad) sa dayuhan.
Kinilala si Sultan Kudarat bilang lider Moro na kahit galing siya sa Sultanato ng Maguindanao, ay matagumpay na nagbigkis sa mga datu ng Lake Lanao laban sa mga Kastilang puwersa na noong una ay nakapasok sa ilang bahagi ng Lake Lanao. Ang pinagkaisang puwersa ng mga Moro sa pamumuno ni Sultan Kudarat, kasama na ang ilang mga panlabas na pangyayari na yumanig sa Espanya, ay nagresulta sa pag-atras ng mga Kastilang puwersa at iwanan na muna ang Mindanao at mga pulo ng Sulu mula noong 1663 hanggang 1718. Ipinakita ni Sultan Kudarat na sa pagkakaisa ng mga mandirigmang Moro, kaya nilang protektahan at ipagtanggol ang lupaing Moro laban sa dayuhang kontrol. Nananatiling isa sa mga pinakamahusay na lider Moro si Kudarat na nabuhay noong panahon ng kolonyalismong Kastila sa ating kapuluan. Malungkot na sabihin na karamihan sa mga Pilipino ngayon ay hindi alam kung sino si Kudarat, at kung ano ang kanyang ipinaglaban.
Kabayanihan ni Amai Pakpak ng Lanao
Bukod sa tatlong Sultanato ng Sulu, Maguindanao at Buayan, ang Apat na Pangampong sa kapaligiran ng Lake Lanao ang pinamumunuan ng mga datu. May apat na maliliit na estado (Four Principalities) dito o “Pat a Pangampong” sa Lanao na kinabibilangan ng Bayabao, Masiu, Unayan at Baloi. Sila ay malalapit sa isa’t isa dahil sa dugo at pag-aasawa, dahil sa pananampalataya sa Islam, at dahil sa pagsunod nila ng adiat tabiat — mga tradisyunal na batas mula pa sa ninuno.(Saleeby, 1977) Masasabing isa silang maluwag na katutubong kompederasyon. Lalong naging malapit ang apat na pangampong na ito dahil sa magkasamang depensa nila laban sa mga dayuhang kaaway – ang mga Kastila.
Dati nang kilala sa kompederasyon na ito si Sultan Desarip na lumalaban sa mga Kastila. Ngunit, nang pumanaw si Desarip, iniwan niya sa kanyang bayaw na si Datu Akadir Akobar na mas kilala sa pangalang Amai Pakpak, ang pamumuno ng mga mandirigma ng Rapitan sa mga makasaysayang ngunit pinaka-madugong labanan ng Moro-Kastila sa Mindanao. Ang pinaka-tampok dito ay ang pagdepensa ni Amai Pakpak sa Cotta Marahui. Ang nasabing cotta ay armado ng nakapaligid na 19 na mga kanyon sa kanyang mga makakapal na batong pader. Ang apat na pinakamalaking kanyon ay binigyan pa ng mga Moro ng pangalang Marawi, Balo, Diatris, at Barakat. (Saber, 1986)
Noong Agosto 1891, tinangka ni Valeriano Weyler, ang Gobernador-Heneral sa Pilipinas na magsimula ng mga kampanya sa Mindanao sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga kawing na mga kutang-militar sa mga dalampasigan. Ang kanyang estratehiya ay hawig sa mga “Fortress” ng mga Krusada sa Mediterranean at Gitnang Silangan laban sa Moors. Nagmobilisa si Weyler ng 1,242 tropa na dinala sa apat na barkong may pangalang S.S.Manila, S.S.Cebu, S.S. San Quintin at S.S. Marquez de Duero upang kubkubin ang Cotta Marahui ni Amai Pakpak. Di nagtagal, kahit may panimulang tagumpay ang mga Kastila, napaatras ng mga Moro ang malaking operasyong ito at giniba ang mga itinayong kuta-militar ng Espanya.
Pagsapit ng 1894, ang bagong upong Gobernador-Heneral Ramon Blanco naman ang personal na namuno ng kampanya militar sa Lanao sa pamamagitan ng paggamit ng mga bakal na bapor pandigma na inorder pa sa mga British sa Hong Kong. Ang mga barkong pandigma sa operasyong-militar ay ang S.S. Heneral Blanco, S.S. Corcuera, S.S. Heneral Almonte at S.S. Lanao na may dalang mga awtomatic na masinggan na gawa rin sa Inglatera. Sa operasyong militar ni Gobernador Heneral Blanco noong Marso 10, 1895, lumusob ang malaking puwersang Kastila na 5,000 sundalo laban kay Amai Pakpak at ang kanyang mga mandirigma na nagdepensa sa Cotta Marahui. Dalawang beses na ginawa itong paglusob. Ayon sa istoryador na si Mamitua Saber, ang 5,000 nasa Sandatahang Dibisyon ng Kastila sa operasyon ay galing sa 68th, 69th, 70th, 71st, 72nd 73rd at 74 Infantry Units ng Espanya sa Maynila. Dagdag pa rito ang 2 kumpanya ng Disciplinary Battalion, 3 unit galing sa Peninsular Artillery Regiments, 2 Mountain Batteries (artillery), 1 mortar battery, isang kumpanya mula Cristina yunit, 2 unit mula sa Veterans Civil Guards, mga sundalo galing sa Halberdiers, at mga boluntaryong “indio” galing Zamboanga. (Saber, 1986) Armado pa ang Spanish Infantry ng mga ripleng Mauser na may mga bayoneta laban sa mga sandata ng Moro na Kris, Kampilan, sibat at ilang mga nasamsam na riple. Ayon din kay Saber, makikita mo sa mga kanyon, lantaka at iba pang armas sa loob ng Cotta Marahui ang talino sa paglikha ng Moro.
Sa buong araw ng Marso 10, 1895, kinubkob ng mga barkong pandigma at Sandatahang Disbisyon ni Blanco ang mga mandirigma ni Amai Pakpak sa Cotta Marahui sa Lanao. Naging martir sa makasaysayang labanang ito si Amai Pakpak (Datu Akadir) at ilang mga kasama niya, katulad nila Bai Ataok Inai Pakpak, Pakpak Akadir, Palang Amai Mering, Ali Amai Admain, Amai Porna, Diamla sa Wato, Amai Domrang, Amai Dimaren, Amai Pangompig, atbp..Ngunit marami sa kanyang mga natirang Datu at mandirigma ang umatras ng cotta at ipinagpatuloy ang pakikilaban sa mga dayuhang mananakop sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. (Saber, 1979)
Ito na marahil ang pinakamalaki at pinaka-armadong operasyong militar ng Espanya sa buong Pilipinas. Mula 1891-1895, napako sa Mindanao ang malaking porsiyento ng puwersang militar ng Espanya at nagbigay ng puwang sa mga Katipunero na mag-organisa at magpalawak ng organisasyon sa Luzon at Bisayas. Sa pagkubkob lamang ng Cota Marahui, halos 400 Kastila ang napatay at nasugatan. Napahina din ang kabuuang Guardia Civil ang Espanya sa ating buong kapuluan. Makikita sa mga napakalaking operasyong militar sa Mindanao ng Kastila na pinamunuan ng Gobernador Heneral kung paano itinuring na bantang sekuridad ang Moro sa mata ng Espanya. Sa 300 taon ng kolonisasyon ng Kastila sa ating kapuluan, hindi nila nakayang sakupin ang halos buong Mindanao, Sulu, Palawan at Basilan. Sa kabilang banda, sila pa ang inaatake sa Luzon at Bisaya ng mga tinagurian nilang mga “piratang” mandirigmang Moro.
Ang Ginuhit na Kasaysayan ng Pakikibakang Moro
Maipagmamalaki ng mga kapatid nating mga Moro (sa Bangsa Moro na may kahulugang “Moro Nation”) ang makulay at matagumpay nilang kasaysayan. Kasaysayang matagumpay na lumaban sa mga Kastilang mananakop na nagtangkang sapilitan silang gawing mga Kristiyano sa Mindanao sa pamamagitan ng kombersyon. Ginamit ng mga Kastila ang mga nirekrut na mga “indio” sa Guardia Civil na taga Luzon at Visayas (na nauna na nilang nabinyagan sa Kristyanismo) upang labanan ang mga kapatid nating mga Moro. Pati ang makabayang istograpiya (nationalist historiography) ay kulang sa pagkilala sa tagumpay ng Moro at mga katutubo. Mula kay Lapu Lapu, nariyan ang kinilalang halos 300 lokal na pag-aalsa sa Luzon at Visayas at lumundag ang naratibo sa Rebolusyong 1896 laban sa Kastila. Nilaktawan ba ng amnesia ang makabayang istographiya para hindi kilalanin ang mga malalayang komunidad ng Moro at katutubo na lumaban at nagtagumpay? Ang walang tigil na pagdepensa ng Moro sa lupang ninuno at kalayaan ay naging malaking kontribusyon sa paghina at pagkatalo ng Espanya na humantong sa tagumpay ng Rebolusyong 1896 at pagkatatag ng Unang Republika ng Pilipinas.
Kaya nang lagdaan ang Treaty of Paris noong 1899 sa pagitan ng Amerika at Espanya, ang Moro ay labis labis na 300-taon malaya pa at matagal nang may pagpapasiya-sa-sarili. Ito ay kahit na sa mga ginuhit na mapa ng Kastila, isinama nila sa kanilang mapang kolonisasyon ang buong Mindanao, Palawan at Sulu. Kahit na ang Mindanao at Sulu ay wala sa epektibong kontrol ng kolonisasyon, isinama ito sa Pilipinas na binenta ng Kastila sa Amerika noong Disyembre 10, 1898 sa Treaty of Paris sa halagang $20 milyon dolyar, para sa paglipat ng “soberanya” sa Amerika. Ginamit ang dokumentong ito ng Amerika para ipakitang legal din ang pag-angkin nila sa buong Mindanao, Sulu at Palawan bilang bagong kolonisador ng ating bansa. Sa panig ng Espanya, sa pamamagitan ng Tratadong Paris, pinalabas nilang naging bahagi ng kolonya nila sa nakalipas na higit sa 300 taon ang Mindanao at Sulu, at pinalabas din na kontrolado pa nila at hindi ng mga rebolusyonaryong puwersa ni Heneral Emilio Aguinaldo ang BUONG Pilipinas gayong ang Intramuros na lamang ang nalalabing nasa epektibong kontrol ng mga Kastila. Hindi talaga masikmura ng mga Kastila na sila ay matagal nang tinalo ng Moro sa 300 taon. At hindi rin masikmura ang katotohanan na bunga ng Rebolusyong 1896, ang kanilang mga puwersang Kastila ay tinalo ng mga minamaliit nilang mga “Indio”, na para sa kanila ay mababang uri.
Mga Tratado ng Moro sa mga Dayuhan
Ang katanungan ngayon ay, kung sa propaganda ng Espanya laban sa Moro ay mga pirata, at barbaro sila, bakit nakipagkasunduan mismong ang Espanya sa pamamagitan ng Tratado sa kanila, na ang trato ay parang kinikilala at lehitimong kapantay na bansa? Ito ay mga kasunduang pinasok ng mga Sultanato ng Moro bilang ekspresyon ng pagpapasiya-sa-sarili na kapantay ang Espanya at ang ibang bansa.
Sa buong panahon ng kolonyalismong Kastila sa ating kapuluan, ang Sultanato ng Sulu at Sultanato ng Maguindanao, bilang mga masasabing epektibong malalayang kaharian, ay naglagda pa ng mga seryeng Tratado ng Pagkakaibigan at Komersyo at diplomatikong pakikipagkaibigan sa ilang mga dayuhang kapangyarihan tulad ng Tsina, sa U.S., sa Espanya, Britanya, Aleman at Netherlands. Isa sa mga tampok na kasunduan ay ang “Most Favored Nation Treaty” noong 1417 sa pagitan ng Ming Dynasty ng Tsina at ni Sultan Paduka Batara ng Sulu. Sa katunayan, ang Espanya din ay naglagda ng ilang mga Tratado sa mga Sultanato ng Sulu at Maguindanao: katulad ng Tratadong Sultan Kudarat-Lopez noong Hunyo 24,1645 at 1648, at ang Tratadong Rajah Bungso-Lopez ng 1646. Dahil sa mga Tratado ng Moro-Kastila, nagkaroon ng pansamantalang kapayapaan mula 1663-1718 sa katimugang bahagi ng Pilipinas, kung saan lalong lumago ang pangangalakal at komersyo ng ekonomiyang Moro. Ang mga perlas ng Sulu ay mataas ang presyong nabebenta lalo na sa Tsina. Kasabay dito ang pag-usbong ng agrikultura at pangingisda sa erya ng Moro. Ang mga tratadong ito ay nagtakda ng dominyon at pagkilala sa mga Sultanato ng Maguindanao, Buayan at Sulu at mga kolonyal na posesyon ng Espanya sa Visayas at Luzon. Kahit na ang U.S. ay pumasok sa isang Tratado ng Kalakal at Komersyo noong 1842 sa namumunong Sultan ng Sulu at Sabah na si Mohammed Jamalul Kiram I.
Nalagot ang Tratado ng Moro- Espanya noong 1719 nang umatake ang Kastila upang bawiin ang kuta nila sa Zamboanga. Di nagtagal, inatake din ng Espanya ang Jolo mula Zamboanga kung saan sinunog ang ilang cotta sa Jolo. Itong operasyong-militar na ito ay nilahukan ng 9,000 Kastila sundalo at mga Kristiyanong “indio” sa pamumuno ni Kapitan Heneral Jose Malcampo. Sinamahan sila ng 400 na raan pang Cagayanos sa pamumuno ng prayleng Agustinian na si Ramon Zueco. Ngunit, di nagtagal, nabawi din ang Jolo ng mga walang takot na mandirigmang Tausug.
Noong July 22, 1878, ang Kastilang Hari na si Alfonso XIII ay pumasok sa isang Tratado ng Kapayapaan at Pagkakaibigan sa Sulu Sultanate. Dito sa huling tratado, pinayagan ng Sulu Sultanate na “magtayo ang Espanya ng isang maliit na garison na may 15 acres sa bayan ng Jolo” upang magbigay ng sekuridad sa mga Yuropeong mangangalakal. Pero sa labas ng pader ng mga kutang militar ng Kastila, ang naghahari ay ang Sultan. (Kho, 1972 ) Sinundan ito ng Treaty of Conciliation ng 1888 sa pagitan ng Hari ng Espanya at ng Sultan ng Maguindanao na si Rajah Buayan upang tapusin ang pangmatagalang labanan ng dalawang panig. (Majul, 1999). Obserbasyon ni Hurley na “ang Espanya ay di maka-kolekta ng buwis o tribyut mula sa Moro, at sa katunayan, ang conquistadores pa ang nagbayad sa Moro mula sa kailaliman ng kanilang mga bulsang pinagyaman ng kanilang ninakaw sa Mexico at Peru.” (Hurley, 1936)
Ang mga tratadong ito sa pagitan ng Espanya at mga sultanatong Moro ay nagbigay ng epektibong pagkilala sa soberanya at awtoridad ng mga Sultanatong Sulu at Maguindanao. Pagkilala din ang mga ito sa namumunong awtoridad ng estado ng mga Sultanato. Kaya, naghari ang mga Kastila sa Luzon at Visayas lamang, ngunit pati ito ay laging nare-reyd ng Moro. Sa katunayan, ang Royal Decrees na nilagda ni Reyna Isabella II ng Espanya noong July 30, 1860 at ang Royal Decree noong July 15, 1896, at ang Maura Law noong 1893 na nagbigay ng mga gabay sa organisasyon ng pamahalaang munisipal ng Espanya sa Pilipinas, ay para lamang sa Luzon and Visayas, at hindi kasama ang mga teritoryong Moro sa Mindanao, Sulu at Palawan. (Buat, 2008) Ang tawag ng mga Kastilang kolonisador sa halos buong Mindanao noon ay “La Tierra de el Moros” o Lupain ng mga Moro. (Majul, 1999) Sa ating naging ikalawang pinakamalaking pulo ng bansa, nakapagtayo lamang ng ilang maliliit at kalat-kalat na kuta ang mga Kastila sa ilang tabing-dagat na parte ng Mindanao. Takot gumala o maglibot ang mga Kastila sa labas nitong mga malalayong kuta, dahil madalas din silang i-reyd ng mga Morong mandirigma.
Naratibong Moro, Hindi Naratibo ng Mananakop
Dapat kilalanin at bigyang pugay ng mga Kristiyanong Pilipino ang mga Moro. Di maggapi at walang tigil at pinakamahabang matagumpay na anti-kolonyal na laban sa ating bansa. Ito ay upang maging bahagi ang naratibo ang kasaysayang Moro sa popular at pambansang naratibo para sa kalayaan. Ang sustenableng kapayapaan sa Mindanao ay mangyayari bilang resulta ng pagkilalang ito at pagwawasto ng mga siglo-siglong mga may pagkiling o “bias” na ipinalaganap ng pangrelihiyon, panlipunan at pangkabuhayang inhustisya laban sa Moro. Ayon kay Samuel K. Tan, isang kilalang istoryador mula Sulu, nahati ang ating bansa sa pambansang komunidad ng mga Kristiyanong nasakop ng Kastila, at nahiwalay sa mga “pangkulturang komunidad” na kasama ang Moro, mga di-Muslim na katutubong Lumad, mga katutubong Cordillera at iba pang katutubong komunidad (Tan,1987)
Nagsanib ang lahat ng mga puwersang lumalaban sa Kastila sa Mindanao noong Mayo 18, 1899 nang kubkubin ng sama-samang pwersa ng mga Kristiyano, Muslim at tribong Lumad ang kutang Kastila na Fort Pilar, Zamboanga. Dito, ang Rebolusyonaryong Hukbo ng Zamboanga sa ilalim ng Pilipinong Heneral Vicente Solis Alvarez ang tumanggap sa pagsurender ng huling Kastilang Governador Heneral na si Diego de los Rios. Ito ang huling kuta ng Kastila na sumuko bago ang Deklarasyon ng Kalayaan sa Kawit, Cavite ni Heneral Emilio Aguinaldo. Sinundan ito ng mga pananalakay ng mga Datu ng Buayan sa Central Mindanao sa pamumuno nila Amai Mingka (Datu Piang), Datu Guiambangan at Rajahmuda Ali na nagtaboy sa mga huling mga kuta ng Kastila sa Cotabato. Dito sa mga pagkakataong ito lamang pinagsasanib ng popular at pambansang naratibo ang pakikibakang Moro at nakakalimutan ang mahigit 300 taong kabayanihan at matagumpay na pakikilaban nila para sa idepensa ang kalayaan at lupang ninuno.
Kahit noong una ay malisyoso ang orihinal na paggamit ng salitang “Moro” ng mga Kastila, dahil sa digmaang Moro-Espanya, nagkaroon ng maipagmamalaking kahulugan para sa mga kapatid nating mga Muslim. Ang Moro, o BangsaMoro (Moro Nation) ay nagkaroon ng makasaysayang kahulugan na matapang, tapat sa adhikain at hindi sumusuko sa mga Kolonyalistang kalaban ng mamamayang taga-Mindanao. Pinalawak ng Moro ang salitang matapang na dati ay kahulugan lamang ng salitang Tausug. Kaya, ipinagmamalaking ginamit ito ng MORO National Liberation Front (MNLF) at ng MORO Islamic Liberation Front (MILF) sa ika-20 Siglo.(Abbahil, 1984; Tan, 1992; Che Man, 1989; Simbulan, 1992) Katapangan at matagumpay na pagdepensa sa ating mga lupain, kultura at komunidad laban sa dayuhang mga kolonyalista.
Iba Pang Matagumpay at Malalayang Komunidad
Katulad ng BangsaMoro, ang ating mga katutubo (na hindi Muslim) o pambansang minorya sa Pilipinas ay matagumpay na lumaban din sa kolonyalismong Kastila.(Scott, 1972) Mas maliliit ang kanilang mga komunidad at kalat-kalat sa kabundukan na siyang ginawang nilang natural na kuta. Sa ilang pagkakataon laban sa dayuhang kolonyalista, nagsanib ang Moro at mga Lumad ng Mindanao para ma-preserba ang lupa. (Silva, 2011; Rodil, 1993, 2004) Karamihan sa mga katutubong tribo na hindi Muslim ay mga animista, na yumayakap sa pagsamba ng anito at mga ninuno sa pamamagitan ng respeto nila sa kalikasan. Ilan sa mga katutubong ito na animista na nagpreserba sa kanilang kultura at wika at nagsasamba sa “Ispirito o Diwata ng Kalikasan” o sa mga anito at ito, ay siniraan ng mga Kastilang prayle na “pinangingibabawan ng diyablo”. Sa hilagang Mindanao mga tribong Lumad tulad doon sa Bukidnon at Higaonon ang epektibong humarang sa pagpapalawak ng soberanyang kolonyal ng mga Kastila. Pati mga tribong Subanon ay sumali sa pakikibaka ng mga Moro laban sa dayuhan. (Rodil,1988)
Ang mga malalayang komunidad na matagumpay na nagdepensa sa lupang ninuno at kasarinlan ay naging biktima ng diskriminasyon at pagpapabaya matapos italaga ang Republika ng Pilipinas. Dapat lamang magkaisa ang mamamayang Bangsa Moro, mga Lumad, mga mamamayang Cordillera at iba pang mga katutubo sa buong kapuluan na matagal nang nag-ukit ng tagumpay sa ating kasaysayan. Sapagkat sila ay mga bayani at martir sa pagpapasya-sa-sarili laban sa kolonyalismo at mga lokal nilang kasapakat. At dapat nating kilalanin at bigyang pagpupugay sa pambansang kamalayan ang maipagmamalaki nating kasaysayang Moro at Katutubo. Di ba dapat silang ituring na pambansang yaman? Tulad ni Lapu Lapu, sumasagisag sila ng matagumpay na depensa at paglaban para sa kalayaan ng katutubo sa ating kapuluan. Hinarang nila ang pagkompoleto ng mga Kastila sa pananakop sa ating kapuluan at walang-tigil na pinahina ang mga mananakop sa pamamagitan ng taktikang gerilya sa mga kapatagan at bundok at marinong pag-atake sa dayuhang kaaway. Sundin natin ang payo ng ating istoryador na si Cesar Majul na maraming naisulat ukol sa Moro Sultanates at Moro Wars, na ang “pakikibakang Muslim ay dapat ituring na mahalagang bahagi ng namana nating kamalayan sa kasaysayan at ng pakikibaka para sa kalayaan…at bahagi ng pakikibaka ng buong bansa.” (Majul, 1999) Nagtayo sila ng mga malalayang komunidad at sona ng kalayaan sa ating mga kapatagan, bukid at mga kabundukan – na hindi magapi ng dayuhang imperyo. Sila ang nagpapaala sa atin na meron tayong mga ninuno na nakibaka laban sa kolonyalismo, nag-alay ng buhay at dugo para idepensa ang kalayaan at pagpapasya-sa-sari, at nagtagumpay!
Bibliograpiya:
Abbahil, Abdulsiddik A. (1984) “The Bangsa Moro: Their Self-Image and Inter-group Ethic Attitudes”. Dansalan Quarterly (Marawi City, Philippines) 5 (4): 197-250 (July)
Admad, Aijaz (1982) “400-Year War – Moro Struggle in the Philippines.” California: Southeast Asia Chronicle, 82:1
Billman, Cuthbert (1960), “Islam in Sulu”, Philippine Studies 8 (1):51-57.
Buat, Musib M. (2008), “Are the Moros Filipinos?” Moro Herald. Nov. 25, 2008 Online: www. moroherald.com.
Che Man, W.K. (1989) “The Bangsa Moro and the Philippine Nation” JEBAT (Kuala Lumpur) 17:83-96.
Guingona, Teopisto (1981) “Historical Survey of Policies Pursued by Spain and the U.S. Towards the Moros in the Philippines”. Dansalan Quarterly (Marawi City, Philippines) 2(3) 165-208 (April).
Hurley, Vic (1936). Swish of the Kris: The Story of the Moros. Cerbero Books, 2010 edition.
Isidro, Antonio (1976), “Muslim Filipinos and Islam” Mindanao Journal (Marawi City, Philippines) 3(2) 45-58 (October-December)
Kho, Madge, (1972) “The Bates Treaty”, Philippine Update. www. philippineupdate.com
Kiefa, Thomas M. (1984) : “Sulu Tausug Polity Circa 1840”. Solidarity (Manila) 5(100): 75-79.
Madale, Abdulla T. (1976) “Educational Implications of Moro History”, Mindanao Journal (Marawi City, Philippines) 3(1) 89-97 (July-Sept.)
Majul, Cesar Adib (1999) Muslims in the Philippines. Quezon City: University of the
Philippines Press.
Majul, Cesar Adib (1966) “The Role of Islam in the History of the Filipino People”. Asian Studies. 4:303-315.
Mallari, Francisco (1986), “Muslim Raids in Bicol, 1580-1792” Philippine Studies (Quezon City) 34: 257-286, 3rd Quarter.
Nguyen H. Chiem (1994) “Moro Piracy During the Spanish Period and its Impact”. Southeast Asian Studies Tonan Ajia Kenkyu (Kyoto) 31(4:345-384) March.
Parreno, Earl. ( 2019 ) Beyond Will and Power – A Biography of President Rodrigo Roa
Duterte. Lapu Lapu City, Philippines: Optima Typographics.
Reid, Anthony (1984) “Islamization and Colonial Rule in Moroland”, Solidarity (Manila)
5 (100): 64-74.
Rodil, B.R.(1988) A History of the Moro People and the Lumad Communities of Mindanao and Sulu in questions and Answers. Iligan: MSU-IIT.
Rodil, B.R. (1993) The Lumad and Moro of Mindanao. London, UK: Minority Rights Group.
Rodil, B.R. (2004 edition) The Minoritization of the Indigenous Communities of Mindanao and the Sulu Archipelago. Davao City: Alternative Forum for Research in Mindanao, Inc. 174pp.
Saber, Mamitua (1979) “Maranao Resistance to Foreign Invasions” Philippine Sociological Review (Manila) 27(4): 273-282 (October)
Saber, Mamitua (1986) Battle of Marawi 1895 and Other Historical Notes. Marawi: University Research Center, Marawi State University.
Saleeby, Najib M. (1977) “Laws of the Moros”, Mindanao Journal (Marawi City, Philippines) 3(3-4): 219-258 (Jan.-June)
Saleeby, Najib M.(1963) History of Sulu. Manila: Filipiniana Book Guild.
Sarangani, Datumanong (1977) “Islamic Penetration in Mindanao and Sulu”. Mindanao Journal (Marawi City, Philippines) 3(3-4): 29-53) Jan.-June.
Scott, William Henry ( 1994 ) Barangay: 16th Century Philippine Culture and Society.
Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Scott, William Henry (1984) “Crusade or Commerce? Spanish-Moro Relations in the 16th Century” . Kinaadman (Cagayan de Oro, Philippines)
6:111-116.
Scott, William Henry (1979) “Class Structure in Unhispanized Philippines” Philippine Studies. 27:137-159. (2nd Quarter)
Scott, William Henry (1972) “The Creation of a Cultural Minority” sa The Igorot Struggle for Independence. Quezon City: Malaya Books Inc.
Silva, Rod D. (2011) Two Hills of the Same Land: Truth Behind the Mindanao Problem. Iligan City, Lanao del Norte: Mindanao-Sulu Critical Studies and Research Group. Originally published 1979, updated Sept. 2011.
Simbulan, Roland, editor (1992) “The Bangsa Moro Peoples Struggle for Self-Determination: Towards An Understanding of the Roots of the Moro People’s Struggle”. Philippine Development Forum 6(2)
Southeast Asia Resource Center (1983) Special Issue on Cultures of Resistance. Southeast Asia Chronicle, 92, Dec. 1983.
Tan, Samuel K. (2005) Surat Sug: Letters of the Sultanate of Sulu, V. I & 2 Manila: National Historical Institute of the Philippines.
Tan, Samuel K. (1992) “ A Perspective on the Bangsa Moro Armed Struggle”. Diliman Review (Quezon City, Philippines) 40(4): 19-25.
Tan, Samuel K. (1987) A History of the Philippines. Quezon City: U.P. Department of History.
Tawagan, Manuel R. (1988) “Spanish Perceptions of the Moros”. Dansalan Quarterly.
Marawi 10 .
Tiamson Alfredo T. (1976) “Notes on Moro Bibliography” Mindanao Journal (Marawi) 3(1): 65-88 July-September.
Tuazon, Bobby, editor (2008). The Moro Reader. Quezon City: Center for People Power in Governance.
Ugarte, Eduardo F. (1992).” Muslim and Madness in Southern Philippines” Journal of Philippine Studies (Honolulu, Hawaii, U.S.A.) 19:9-11. Fall.
_______________________________________________________________
Ukol sa may-akda
Si Professor Roland G. Simbulan, ay 38 taong nagturo sa Unibersidad ng Pilipinas (U.P.). Noong Sentenaryo o ika-100 taong anibersaryo ng U.P., siya ay ginawaran ng Centennial Professorial Chair Award. Dati siyang Chairman ng Department of Social Sciences, nagsilbi ring Vice Chancellor for Planning and Development, at nahalal na Faculty Regent bilang kinatawan ng 3,600 pultaym na propesor ng buong unibersidad sa Board of Regents (BOR) ng U.P. System. Si Simbulan ay awtor din ng walong aklat ukol sa patakarang panlabas ng Pilipinas (Philippine Foreign Policy), sa relasyong Pilipinas-U.S., at ukol sa kolonyalismo at imperyalismo sa Pilipinas at Asya-Pasipiko. Kasalukuyan siyang Vice Chair ng Board of Directors at Senior Fellow ng Center for People’s Empowerment in Governance (CenPeg).